Nagpalabas ng pahayag ang pamunuan ng Bonifacio Global City (BGC) sa nangyaring pagnanakaw ng anim na kababaihan sa Koreanong atletang si Park Yi-young habang naglalakad ito sa BGC, Taguig City kamakailan.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page ni Park Yi-young)

Ayon sa pamunuan ng BGC, agad namang nabigyan ng tulong ng BGC security officer si Park at hinikayat din siyang magharap ng reklamo sa Taguig-BGC Police substation subalit tumanggi ito.

Nangyari ang pagnanakaw ng wallet ni Park noong Hulyo 4, 2024 bandang alas 6:32 ng gabi.

"BGC remains vigilant in observing measures and actively cooperating with the local authorities to ensure that safety remains an utmost priority within its spaces," ang pahayag ng pamunuan ng BGC.

Matatandaang ipinost sa Instagram at Facebook ni Park ang pangyayari kung saan anim na kababaihan ang inistorbo ang kanyang paglalakad sa BGC at hindi niya namalayang dinukot na pala ang wallet sa kanyang bag.

Hinabol niya ang mga kababaihang naghiwa-hiwalay ng daan, subalit naabutan niya ang dalawa at hiningi sa mga ito ang kanyang wallet.

Makalipas ang sigawan ng magkabilang panig, ibinalik din ng isa sa mga babae ang wallet ng Koreano subalit wala na ang ilang cash nito.

Sa post ni Park, sinabi nitong "it happened in front of One Bonifacio, I was walking on the street and 6 people were around me for quite a long time. They stole my wallet but I was lucky that I could noticed (sic) fast and track them immediately. Ran after them but they split to 3. I was only able to catch 2 of them and luckily, they had my wallet."

Sinabi pa ni Park na nanghingi siya ng tulong sa mga guwardiya sa paligid subalit walang gumawa ng aksyon.

"While I was tracking (running after) them, I asked for help to the (sic) guards around but they didn't react and couldn't help me out. Anyway, I'm safe and I got my wallet back but still missing some cash."

Ang panghuling mensahe ni Park (verbatim) "just wanted to warn you guys out there to avoid next victim that it won't happen again! Be safe everyone."