Namahagi ng tulong ang pambansang pamahalaan sa mga mamamayan ng Taguig na nabibilang sa mga bulnerableng sektor sa isinagawang pagdiriwang ng ika-67 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kasabay ng paglulunsad ng "Handog ng Pangulo Serbisyong Sapat Para sa Lahat" sa TCU Auditorium, Taguig City ngayong Biyernes, Setyembre 13, 2024.

News Image #1

(Screenshot mula sa video ng I Love Taguig FB Page)

Ang tulong ng pamahalaan ay ipinamahagi ng Office of the President, Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Health, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority at Taguig City Government sa mga magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disability, at mga opisyal ng Tricycle Operators and Drivers Associations.

News Image #2

(Screenshot mula sa I Love Taguig FB Page)

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga dumalo, sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na wala silang maibibigay na materyal na regalo sa kaarawan ng Pangulo kung hindi ipagdasal ito.

News Image #3

(Screenshot mula sa I Love Taguig FB Page)

"Sa kanyang kaarawan, atin pong ipagdasal, una: Divine Wisdom, Ang Divine Wisdom ay nanggagaling sa Panginoon, para ang kanyang desisyon ay guided hindi lamang ng kung ano ang temperatura ng pulitika kung hindi ano ba ang will ng Panginoon sa ating bansa. Pangalawa, as you serve kailangan malakas ang pangangatawan, hindi ba? So ang pangalawa nating panalangin sa Pangulo ay ang mabuting estadong pangkalusugan. Pangatlo, yung safety and protection," ayon kay Cayetano.

Ang "Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat" ay isinagawa ng sabay-sabay sa buong bansa, sa may 82 lugar, sa mismong kaarawan ni pangulong Marcos. Layunin nitong pagandahin ang buhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga starter programs, pagsasanay at tulong upang mas maabot ng serbisyo ng pamahalaan.


Kahapon, Setyembre 12, 2024, nagdiwang naman ng kanyang bisperas ng kaarawan si Pangulong Marcos sa Department of Agrarian Reform Central Office sa Quezon City sa pamamagitan ng pagbubura ng utang ng mga magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo na nagkakahalaga ng P270 milyon.

Namahagi sina Marcos at DAR Secretary Conrado Estrella III na noong araw na iyon ay nagdiwang din ng kanyang ika-64 na kaarawan, ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) na nagkakahalaga ng P270 million at Certificates of Land Ownership Award (CLOA) sa 1, 400 magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo.


(Video ni Vera Victoria)

Libo-libong mga magsasakang benepisyaryo, na miyembro ng mga Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBO) mula sa Bulacan at Batangas ang dumalo, kasama ang mga pangunahing opisyal ng DAR, pinuno ng mga internasyonal na organisasyon, opisyal ng gabinete, mga mambabatas at ang dalawang anak ng Pangulo na sina William Vincent at Joseph Simon Marcos.

Sa kanyang talumpati sa mga magsasakang benepisyaryo, tiniyak ng Pangulo na tuloy-tuloy ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Act at ng New Agrarian Emancipation Act.

"Bahagi ito ng pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act na naglalayong pagaangin ang inyong buhay at maibsan ang inyong paghihirap dahil sa amortisasyon, sa interes, at iba pang surcharges na halos naging kakambal na ng lupang sakahan sa loob ng maraming taon. Nangangahulugan na ang mga benepisyaryo ng programang ito ay lalaya mula sa pagkakautang ng lupaing inyong pinangangalagaan."

Pinaalalahanan din ng Pangulo ang mga magsasaka na maging responsible sa kanilang CLOA at COCROM. "Bagaman at ang COCROM at CLOA ay maituturing na biyaya, huwag sana nating kalimutan na ito ay may kaakibat na responsibilidad - aang alagaan at palaguin ang ating mga sakahan at hanapbuhay."

Ang naging pangunahing tagapagpakilala ay si DAR Undersecretary for Support Services Rowena Niña Taduran na regular na umiikot sa iba't ibang komunidad ng repormang agraryo, kasama si Pangulong Marcos at Secretary Estrella habang sila ay namamahagi ng CLOA.

News Image #4

(Screenshot mula sa RTVM)


Target ng pamahalaan na maipamahagi ang kabuuang 1 milyong CLOA hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028.