Ang pasok sa opisina ng mga nagta-trabaho sa mga local government units sa Metro Manila ay itatakda na sa alas 7:00 ng umaga, at ang uwian ay alas 4:00 ng hapon.

Ito ang nakasaad sa isang resolusyon na ipinasa ng Metro Manila Council sa layuning masolusyunan ang malalang trapiko sa National Capital Region.

News Image #1


Epektibo ang resolusyon sa Abril 15, 2024, at makaraan ang pagsasapubliko nito sa Official Gazette o sa pahayagang pambansa ang sirkulasyon, at makalipas na makapagharap ng tatlong kopya ng dokumento sa Office of the National Administrative Register ng University of the Philippines Law Center.

"All government offices under the Local Government Units located in the National Capital Region shall adopt a modified working schedule from 7:00 a.m. to 4:00 p.m.," ang nakasaad sa MMDA Resolution No. 24-08. "In the implementation thereof, the local government units located in the National Capital Region are hereby enjoined to enact their respective ordinances."

Sinabi pa ng Metro Manila Council, na isa sa namumuno at bumubuo ng polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ng mga presidente ng Metro Manila Vice Mayors League at Metro Manila Councilors League, ang tradisyonal na pasok na alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon ay kasabay ng pasok ng mga nasa pribadong kumpanya. Ang sabay sabay na pasok ng gobyerno at pribadong kumpanya ang nakakapagpabigat sa daloy ng trapiko.

Bukod sa mga LGUs, hinikayat din ng MMDA ang mga ahensiya ng pambansang pamahalaan na nasa Metro Manila na sundin o gumawa ng modified working schedule para hind imaging pabigat sa trapiko at matiyak na tuloy tuloy pa ring ang paghahatid ng serbisyo publiko.

(Larawan ni Dek Terante)