Mainit pa ang tensyon sa pagitan ng Taguig City at Makati City kaugnay ng teritoryo sa Fort Bonifacio at EMBO (Enlisted Men Barrios) barangays, naghahabol na rin ngayon ang Pateros sa pag-angkin sa Parcel 4 ng naturang lupain.
Nagpa-plano si Pateros Mayor Miguel Ponce III na magharap ng mosyon sa Korte Suprema para suspindihin ang implementasyon ng desisyon sa paglilipat ng sampung barangay sa Makati mula sa Taguig habang hindi pa nareresolba ang kanilang sariling kaso.
Labingisang taon na rin simula nang isampa ng Pateros ang Case 73387-TG sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 271 (noong Marso 27, 2012) laban sa Makati at Taguig para desisyunan ang kanilang pag-angkin sa Parcel 4 ng pinag-aagawang teritoryo.
Nakasaad dito na hinihingi nila ang "judicial declaration that Parcel 4 of Survey Plan Psu-2031 comprising about 766 hectares, partly occupied by respondents Makati and Taguig, is within the territorial jurisdiction of Pateros."
Noong Abril, pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ng Pateros para pag-aralang muli ang kaso at inatasan ang Pasig RTC na muling buhayin ang Civil Case No. 73387-TG kung saan nais ng Pateros na kunin muli ang anila ay kanilang lupa mula sa Taguig at Makati.
Nakasaad sa pahayag ng Korte Suprema na "The finality of G.R. Number 235316 does not constitute res judicata in any of its three concepts as to the foreclose Pateros' right to pursue its claims."
"Yung kaso namin ay buhay na buhay at hinihintay na lang namin ang kautusan ng regional trial court na magsimula kaming magprisinta ng ebidensiya," ayon kay Ponce na isa ring abogado.
Sinabi ni Ponce na kung kasaysayan ang pagbabatayan, ang totoong sakop ng Pateros ay 1, 040 na ektarya, pero ngayon ay naging 168 na ektarya na lamang. Ang Fort Bonifacio at EMBO barangays ay ginawa aniyang military installations noong panahon ng mga Amerikano.
"Kinuha ito sa mga local governments, at malaking area ang nakuha sa amin. Ang problema nung ibinalik, ay hindi na naibalik sa tamang kinauukulan," dagdag ni Ponce.
Kung sakaling pagbigyan ng Korte Suprema ang kanilang isasampang mosyon, sinabi ni Ponce na magkakaroon ng status quo at ang mga barangay ng Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo, Pitogo at bahagi ng Fort Bonifacio ay pansamantang mananatili sa superbisyon ng Makati.
"Kaugnay sa ayuda, kami naman po ay nabubuhay ng mapayapa at masagana dito sa Pateros sa kabila ng maliit na income na aming pinagta tiyagaan upang maitaguyod ang local services sa aming bayan. Kung kami ay lalaki palagay ko ay mas mapapaganda pa namin, maise-share namin ito hindi lang sa mga taga Pateros kung hind isa mga teritoryong masasakupan namin," pagtatapos ni Ponce.
(Mga larawan mula sa Pateros Municipal Government at concerned citizen)
Pateros Hindi Pa Sumusuko, Naghahabol din sa EMBO Barangays | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: