Puwede pang humabol ngayong hapon, Enero 18, 2025, hanggang alas 4:00, ang mga pet owners sa EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays para maipakonsulta, mapa-iniksyunan at mabigyan ng bitamina ang kanilang mga alagang aso at pusa.

News Image #1


Ang pet caravan ay nasa Pembo Elementary School sa Barangay Pembo, Taguig City upang magbigay ng libreng bakuna laban sa rabies, vitamin shots at gamot, libreng deworming at microchipping.

May libreng kapon din subalit limitado lamang ang slots. Maaaring mag-walk-in para sa serbisyong ito.

Kung hindi naman aabot ngayong hapon, mauulit ang pet caravan sa EMBO barangays na isasagawa muli sa Pembo Elementary School sa susunod na Sabado, Enero 25, 2025.

News Image #2


Kailangan lamang na magdala ng balidong identification card (ID) kung saan nakalagay ang address na taga-Taguig, partikula sa barangay EMBO.

Kailangan ding dalhin ang vaccination card ng alaga kung mayroon, at updated ang anti-rabies vaccination nito.

Magdala rin ng tali o kulungan para sa alaga, dapat ay naka-diaper at may dalang basahan o plastic bag para sa dumi ng alagang aso o pusa. Kung agresibo ang alaga, lagyan ito ng busal o cone.

Kung magpapa-deworm at anti-rabies vaccination, dapat ay malusog ang alagang aso at pusa. Sa mga alagang dalawang linggo pataas lamang ibibigay ang pampurga sa bulate samantalang edad 3 buwan pataas naman ang anti-rabies vaccination.

News Image #3


Sa mga ikakapong alaga, hanggang dalawang pets lamang ang tatanggapin sa bawat may-ari, at dapat ay edad 6 na buwan na ito pataas at ang timbang ay 3 kilo pataas.

Bawal kapunin ang mga asong buntis, nagpapadede o naglalandi, at dapat ding hindi ito nagkasakit sa nakalipas na dalawang linggo. Dapat ding nag-fasting o nag-ayuno ang kakapunin 6 hanggang 8 oras bago isagawa ang operasyon.

(Mga larawan mula sa Facebook Page ng Office of the City Veterinarian Taguig)