Isang 33 taong gulang na Pilipino na hindi nag-biyahe sa labas ng bansa ang nagkaroon ng mpox (monkeypox) virus.

Ito ang iisang kaso ng mpox sa Pilipinas simula nang ideklara ng World Health Organization (WHO) na isa nang public health emergency of international concern ang naturang outbreak kamakailan.

News Image #1


Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, ang bagong kasong na-detect sa bansa at ang pang-10 na sa naitala sa bansa kung saan ang kauna-unahan ay naitala noong 2022.

Nagsimulang makaranas ng simtomas ang pasyente noong nakaraang linggo kung saan nagka-lagnat at nagkaroon ito ng rashes sa mukha, likod ng katawan, batok, dibdib, puson at maging sa mga palad at ilalim ng paa.

Ginamot ito sa isang pampublikong ospital kung saan nakumpirma sa polymerase chain reaction test na mayroon siyang mpox virus.

Kabilang sa mga simtomas ng mpox at ang rash o sugat na nagtutubig na nagtatagal ng dalawa hanggang apat na linggo, kasama ang lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, pananakit ng likod, mababa ang enerhiya at namamaga ang mga kulani.

News Image #2


Lahat ng mpox cases sa bansa ay inihiwalay sa ibang tao, inalagaan at gumaling na.

Sinabi pa ni Herbosa na hindi makukuha ang mpox sa ere dahil hindi ito airborne. "Mpox is transmitted through close and intimate contact. It is not airborne. Soap and water are effective in cleaning surfaces. So are alcohol sanitizers."

Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng malapitang contact sa taong may impeksyon (sexual contact, pakikipaghalikan o pagdikit sa taong may impeksyon), sa kontaminadong mga gamit (mga hinigaan o ipinampunas ng may impeksyon) o sa may impeksyon na hayop (paghawak sa mga ito o paghalik).

News Image #3


Kabilang sa mga ospital na puwedeng puntahan kung may pagdududa na mayroong mpox virus ay ang mga sumusunod: Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital, East Avenue Medical Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Quirino Memorial Medical Center, at UP-Philippine General Hospital.

News Image #4


(Mga larawan mula sa DOH)