Dumayo pa sa Dubai, United Arab Emirates ang isang Pilipinong ikinalakal ang may 111 kabataan online subalit naaresto pa rin ito ng mga otoridad.

Kabilang sa mga biktima ng suspek na si Teddy Jay Mojeca Mejia ay mga batang mula sa Taguig City na nailigtas ng mga pulis noong Setyembre 9, 2024.

News Image #1

(File photo ng Philippine National Police)

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang suspek ay sangkot sa sexual exploitation at nagbebenta ng mga materyales na mayroong kalaswaang ginagawa ang mga kabataan.

Sa mga pinakahuling nasagip ng mga otoridad na biktima umano ni Mejia, dalawampu't dalawa sa mga ito ang taga-Taguig City, Nueva Vizcaya, Quirino, La Union, Baguio City, Bacoor sa Cavite, at Marilao sa Bulacan.

Napag-alaman na tinatakot ng suspek ang mga biktima na ikakalat ang kanilang mga hubad na larawan at videos kung hindi susunod sa ipinag-uutos nitong paggawa ng mahahalay na videos at larawan.

Sa app na Telegram umano nagbebenta ang suspek ng mga malalaswang materyales kung saan 19 na dayuhan mula sa 10 bansa ang nagbayad dito sa pamamagitaan ng electronic wallets.

Naaresto na dati si Mejia sa Pilipinas noong 2014 at 2015 sa kasong paglabag sa Anti-Child Abuse Law and Anti-Photo and Video Voyeurism.

Lumipad ito patungong Dubai noong 2021 at doon ipinagpatuloy ang kanyang masamang gawain.

Sa pakikipag-ugnayan ng mga otoridad ng Pilipinas at sa Red Notice na ipinalabas ng International Police laban kay Mejia, nadakip ito sa Dubai. Nasa Red Notice list din ito ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ng DILG na iuuwi sa Pilipinas ang suspek at haharap ito sa mga kasong statutory rape, qualified trafficking in persons, at paglabag sa Republic Act 11930 o Anti Online Sexual Exploitation of Children and Anti Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.