Pinalakpakan ng husto at tumanggap pa ng standing ovation si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na isinagawa sa Batasang Pambansa sa Quezon City kahapon, Hulyo 22, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Presidential Communications Office)

Ang umani ng malakas na suporta kung saan nagsigawan pa ng "BBM" ang mga nasa Kamara de Representantes ay ang anunsyo ng Pangulo na simula Hulyo 22, 2024, ay ipagbabawal na ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.

"Disguising as legitimate entities, their operations have ventured into elicit areas furthest from gaming, such as financial scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal torture- even murder. The grave abuse and disrespect to our system of laws must stop," ang pahayag ni Marcos.

"Effective today, all POGOs are banned," ang madiing inihayag ni Marcos.

Inatasan din niya ang Philippine Amusements and Gaming Corporation na ayusin ang lahat upang matapos na ang operasyon ng mga POGOs sa bansa sa pagtatapos ng taong ito.

Sinabi rin ng Pangulo na sa panahong ito ay dapat na kumilos din ang Department of Labor and Employment at ang iba pang economic managers ng bansa upang tulungan ang mga empleyadong Pilipino ng POGO na makatagpo ng bagong trabaho.

"This will solve many of the problems that we are encountering. It will solve many of the problems that we have been encountering, but it will not solve all of them," ang dagdag pa ni Marcos.

Sa kanyang halos isa't kalahating oras na talumpati, inanunsyo rin ni Marcos ang dagdag na suweldo para sa mga kawani ng gobyerno sa susunod na taon na ibibigay sa apat na bahagi at ang pagbibigay rin ng medical allowance sa mga ito.

News Image #2

(Screenshot mula sa live feed ng RTVM)

Gayundin ang dagdag sa teacher's allowance na ngayon ay P10, 000 na at mayroon na rin silang personal accident insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS).

Sinabi rin ni Marcos na isinusulong ang National Learning Recovery Program upang matugunan ang pangangailangan na maiangat ang kaalaman ng mga estudyante.
"Recent assessments have revealed the poor reality that more than half of our grades 6, 10, and 12 students have failed to reach the ideal proficiency levels, faring low in information literacy, problem-solving and critical thinking skills," ang pahayag ni Marcos sa SONA.

Binigyang-diin din ni Marcos na ang West Philippines Sea ay sa Pilipino at hindi ito kathang-isip lamang.

"The Philippines cannot yield. The Philippines cannot waver."

Kabilang din sa inihayag ng Pangulo ang pagbagsak ng poverty rate sa 15.5% mula sa 18% noong 2021 at ang pag-graduate ng mahigit 420, 000 mula sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) kung saan ang ilan sa mga dating estudyante ng mga pamilya mahihirap ay mga inhinyero at guro na ngayon.