Iginiit ng pamahalaang lungsod ng Taguig na pondo ng mga mamamayan at hindi ng pamunuan ng Makati ang ginamit sa pagpapatayo ng lahat ng mga pampublikong pasilidad sa EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays.
Ginawa ng Taguig ang pahayag makaraan ang pagpapasara ng Makati sa mga Health Centers at pagkandado sa dalawang fire stations sa EMBO barangays sa unang araw ng Enero, 2024.
(Photo by PTV 4)
"Kasama sa pondong iyan ang mga buwis na ibinayad nila mula sa kanilang kita, sa kanilang ginastos at binili, sa kanilang negosyo, at sa kanilang ari-arian sa EMBO. May karapatan ang mga residente ng EMBO sa lahat ng lupa at pasilidad sa kanilang barangay na inaangkin ng Makati ang pagmamay-ari. Walang karapatan ang Makati na ipagkait sa mga residente ng EMBO ang mga pampublikong pasilidad at serbisyo na itinatag para sa kanilang karapatan," ang nakasaad sa pahayag ng Taguig na ipinost sa social media.
(Photo by Hermie Padilla)
Tinawagan ni Senador Alan Peter Cayetano ang kalihim ng Department of Interior and Local Government Benhur Abalos upang ipagbigay-alam ang pagkandado ng mga istasyon ng bumbero at hiniling na buksan muli ito makaraang balewalain diumano ng Bureau of Fire Protection officials na nakakasakop sa mga naturang istasyon ang kanyang panawagan na buksan ang fire stations sa EMBO.
(Photo by Taguig PIO)
"Unang-una under contention pa yan kapag proclaimed land 'yan kasi nga may Supreme Court decision. That's a separate issue. But ito po ang issue, when you're in possession of a property hindi ka puwedeng paalisin ng bigla bigla diyan. You need to be evicted. And they cannot evict you unilaterally. Very, very clear ang Supreme Court decision. Very, very clear din na lahat ng issue sa pagmamay-ari ay paguusapan. Kung 'yan ay Makati talaga, babayaran. Kung hindi Makati, hindi. Pero dapat hindi maantala ang public service," ang pahayag naman ni Senador Cayetano sa kanyang Facebook live streaming noong Enero 5, 2024.
Nabuksan din ang dalawang ikinandadong fire station makaraang makipagusap si Abalos kay Makati Mayor Abby Binay at sinamahan ito ni Makati City Administrator Claro Certeza, Jr. para tanggalin ang kandado ng mga istasyon ng bumbero sa EMBO barangays.
"Ang pagmamay-ari ay hindi isang absolutong karapapatan, at sa kaso ng mga pampublikong ari-arian ay hindi ito dapat pinaglalaruan para sa politikal na interes. Ang lupang kinatitirikan ng fire stations sa EMBO ay iginawad ng Estado para sa kapakanang pangkaligtasan ng mga residente," dagdag pa ng pahayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
(Pahayag ng Taguig City Government)
Pondo ng Taumbayan at Hindi ng Pamunuan ng Makati ang Ipinampatayo ng mga Pampublikong Pasilidad sa EMBO - Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: