Tinamaan ng bala sa ibabaw na bahagi ng kanang tenga ang dating Presidente ng Estados Unidos at ngayon ay posibleng Republican candidate para sa pagka-Pangulo sa isang pagtatangka sa buhay nito noong Sabado ng gabi, Hulyo 13, 2024 (US Time) habang nangangampanya ito sa Butler Pennsylvania.

News Image #1


Ang bumaril dito ay isang 20 anyos na nakilalang si Thomas Matthew Crooks ng Bethel Park, Pennsylvania, na pumwesto sa isang bubong at napatay ng mga secret service agents makaraan ang pagpapaputok nito ng limang beses.

Patay ang isang lalaking dumalo sa rally at malubha ring nasugatan ang dalawang iba pa na kalalakihan din.

News Image #2


Sa isang social media post, sinabi ni Trump na siya ay "shot with a bullet that pierced the upper part of my right ear. I knew immediately that something was wrong in that I heard a whizzing sound, shots, and immediately felt the bullet ripping through the skin. Much bleeding took place, so I realized then what was happening."

Kasisimula pa lamang ng talumpati ni Trump bandang alas 6:15 ng gabi nang mangyari ang pamamaril. Sa live streaming ng pangyayari, nakita si Trump na napatigil sa pagsasalita at kinapa ang kanyang kanang tenga at saka yumuko. Pinrotektahan ito ng mga secret service agents hanggang sa may sumigaw nang "shooter down," at saka lamang itinayo ng mga ito si Trump.

(Mga larawan mula sa live streaming ng campaign rally ng presumptive Republican presidential nominee na si Donald Trump)