Tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon kay Department of Energy (DOE) - Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tataas ng mababa sa piso kada litro sa Hulyo 2, 2024

News Image #1

(Kuha ni Binay MotoVlog sa Shell - Levi Mariano)

Batay sa pagtataya ng DOE, ang gasolina ay tataas sa pagitan ng P0.50 hanggang P0.80 kada litro.

Ang diesel naman ay tataas ng P0.30 hanggang P0.60 kada litro.

News Image #2

(Kuha ni Binay Motovlog sa Caltex - Levi Mariano)

Ang kerosene ay tataas ng P0.20 hanggang P0.40 kada litro.

Sinabi ni Romero na kabilang sa dahilan ay ang mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan na nahaharap sa banta tensyon sa pagitan ng mga bansa partikular sa Europa kung saan nagsagawa ng drone attack ang Ukraine na tumama sa mga oil refineries ng Russia.


Kabilang din dito ang paghihigpit ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa produksyon, at ang magiging mataas na demand sa petrolyo ngayon tag-init sa ibayong dagat.

Noong nakaraang Martes, Hunyo 25, nagtaas ang mga kumpanya ng langis ng P1.40 kada litro sa gasolina, P1.75 sa diesel at P1.90 sa kerosene.

Sa pinakahuling ulat, nagtaas na ang gasolina ng P8.30 kada litro, P7.75 kada litro sa diesel at P1.40 kada litro sa kerosene simula noong Enero.