Nag-iikot ang mge enumerators ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bawat bahay upang mangolekta ng mga detalye kaugnay ng bawat indibidwal at pamilya ng mga ito para sa 2024 Census of Population and the Community-Based Monitoring System (POPCEN-CBMS) simula pa noong Hulyo 15, 2024.

News Image #1


Ang POPCEN census ay ilang dekada nang isinasagawa subalit ang CBMS ay bago lamang. Gumagamit ang CBMS ng isang organisado at nakabase sa teknolohiyang sistema ng pangongolekta, pagpoproseso at pag-validate ng mga data na maaaring gamitin para sa mga pagpa-plano sa komunidad, pag-iimplementa ng mga programa at monitoring ng epekto ng mga programang ito.

Ang POPCEN ay kinakailangang (mandatory) pagbibigay ng impormasyon sa PSA samantalang ang CBMS ay boluntaryo.

Pitumpung libong enumerators ang pinalabas ng PSA para manolekta ng mga data sa lokal na lebel at magbabahay-bahay.

Ang impormasyon namang makukuha rito ay gagamitin para sa mga programa ng pamahalaan na naghahangad na maresolba ang problema sa kahirapan at mapahusay ang kalagayan ng ekonomiya.

Ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring gamitin ang data ng CBMS para sa paggawa ng mga polisiya na nababatay sa ebidensya at para sa implementasyon ng mga programa. Makakatulong din ang data para ma-update ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan kaugnay ng mga mamamayan para mas matukoy ang mga tinatarget na benepisyaryo para sa mga programa nitong pang-mamamayan.

Nagpaalala lamang ang PSA sa mga maaaaring magsamantala sa programang ito, lalo na ang mga nagpapanggap na mga manggagawa ng pamahalaan na kukuha ng personal na detalye ng mga mamamayan.

Ang tunay na PSA enumeratory ay may tamang uniporme at ID na may lace na inisyu ng PSA (tingnan ang larawan sa ibaba).

News Image #2


Maaari rin namang ireport o tawagan ang PSA upang matiyak kung tunay ang enumerator na kumakatok sa inyong pintuan. Nasa link na ito ang mga numero ng regional offices ng PSA: https://psa.gov.ph/directory.

Ipinaalala rin ng PSA na hindi hihingi ng anumang pinansiyal na detalye o numero ng bangko (account number, password at iba pa) ang isang enumerator ng PSA. Hindi rin sila manghihingi ng donasyon o magbebenta ng anumang produkto.

(Mga larawan mula sa Philippine Statistics Authority)