Kumapit sa hood ng isang pulang Hyundai na kotse ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagtangkang pigilin ang driver na tumakas mula sa isang banggaan na kinasasangkutan nito sa Lawton Avenue, Taguig City noong Agosto 27, 2024.

News Image #1

(Screenshot mula sa video ni Bhadong Caldozo)

Sa video ni Bhadong Caldozo na ibinahagi sa Facebook Page ng MMDA, makikita ang isang MMDA traffic enforcer na tangay ng isang humaharurot na pulang sasakyan.



Sa isa pang video sa naturan ding page, makikitang hinahabol ng tila naka-motorsiklo ang humaharurot na pulang Hyundai na at sinabing ang sasakyang ito ang nakabangga sa kanila at tinakasan sila.



Sinabi naman ni MMDA assistant general manager for operations David Angelo Vargas na nakuha na nila ang plate number ng sasakyan at hinahanap na nila ang driver nito.

News Image #2

(Larawan mula sa MMDA)

Kapag nakilala na ang tumakas na driver, kakasuhan ito ng MMDA at irerekomenda rin sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensiya nito sa pagmamaneho.