Mula candies, jellybeans, ice pops, candy corns, strawberry milk at ice cream, fruit juices, puddings, cake, hanggang sausages, bacon bits at maging vegetarian meats, ang mga ito ay mayroong red dye number 3.
Ang kontrobesyal na red dye number 3 ay kilala rin bilang erythrosine, isang synthetic na dye sa pagkain na nagbibigay ng sobrang mapulang kulay.
Ginagamit din ito minsan sa mga iniinom na gamot at sa dietary supplements. Ito ay gawa sa petrolyo.
Sa mga food labels, makikita rito ang FD&C Red 3 o Red 3 na nagsasabing may red dye number 3 na ginamit sa pagkain. Ipinagbawal na ng Food and Drug Administration ng Estados Unidos (US FDA) ang paggamit nito noong 1990 sa mga cosmetics at ipinapahid na gamot makaraang lumabas ang pag-aaral na ito ay nagsanhi ng tumor at nagkaroon ng kanser sa thyroid ang mga dagang nabigyan ng marami nito.
Nitong Miyerkules, US time, inanunsyo ng administrasyon ni US President Joe Biden na ipinagbabawal na nila ang red dye number 3.
"FDA is revoking the authorized uses in food and ingested drugs of FD&C Red No 3 in the color additive regulations," ayon sa dokumento ng Department of Health and Human Services ng Estados Unidos.
Ang nagbunsod sa desisyon ay ang petisyon na iniharap noong Nobyembre 2022 ng Center for Science in the Public Interest (CSPI) at iba pang advocacy groups kung saan kanilang ginamit nila ang "Delaney Clause," isang probisyon ng batas na nagbabawal sa paggamit ng anumang additive na kulay sa pagkain na maaaring magsanhi ng kanser sa tao o kahit sa hayop.
Lumabas din sa ilang pag-aaral na ang red dye 3 ay nauugnay sa pagiging hyperactive o sobrang malikot ng mga bata.
Sa pagka-ka-ban ngayon ng red dye 3, ang mga gumagawa ng pagkain at inumin para sa komersyal na gamit ay may hanggang taong 2027 para gumawa ng bagong pormulasyon sa kanilang mga produkto at tanggalin ang naturang food coloring.
Ang iba pang synthetic dyes na nasa merkado ay kailangan ding dumaan muna sa US FDA bago maaprubahan na maidagdag ang mga ito sa pagkain o inumin. Kabilang dito ang:
Red 40, o Allura Red
Blue 1, o Brilliant Blue
Blue 2, o Indigo Carmine
Yellow 5, o Tartrazine
Yellow 6, o Sunset Yellow
Green 3, o Fast Green
Ang red 40 at yellow 5 ay nauugnay din sa pagiging sobrang malikot o hyperactive ng mga bata.
Samantala, narito ang pamalit na pagkain sa mga nilagyan ng red dye number 3. Sa halip na fruit cocktail, tunay na prutas ang kainin, iwasan ang artificially-colored na inumin, mag-chocolate na lang sa halip na makukulay na kendi, chocolate milk sa halip na strawberry milk, at ginawa sa bahay na meryenda.
Red Dye No. 3 na Ginagamit na Pampaganda ng Kulay ng Pagkain at Inumin, Ibinawal na ng US FDA Dahil sa Panganib ng Kanser | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: