Nagkasundo ang ride-hailing at delivery service na Grab Philippines (Grab) at ang electric vehicle manufacturer na BYD na mag-partner sa isang pag-aaral kung magagamit, makakatulong sa ekonomiya at tatanggapin ng mamamayan ang e-vehicles sa transport network vehicle service o TNVS.

News Image #1

(Larawan mula sa Grab Philippines)


Ang pilot study ay tatakbo ng isang buwan sa Bonifacio Global City sa Taguig, Makati City, Pasay City at Mandaluyong City gamit ang BYD hatchback-type model na Dolphin. Gagamitin ng mga ito ang kasalukuyan nang e-charging infrastructure sa mga naturang lugar.

News Image #2

(Larawan mula sa BYD)

"Through the analysis of collected data on total distance covered, battery efficiency and their impact on the earning capacity and overall productivity of driver-partners, Grab and BYD aim to offer valuable insights to transport stakeholders," ang pahayag ng Grab,

Sinabi ng Grab at BYD na nais nilang maisulong ang walang polusyong sasakyan habang tinitingnan ang mas mura at makakatulong sa kabuhayan na alternatibo sa karaniwang sasakyang de-gasolina o gumagamit ng diesel na may ibinubugang usok.

Bilang paghahanda sa pilot study, may grupo ng Grab drivers ang sumailalim sa espesyal na pagsasanay kasama ang BYD Cars Philippines team kung saan itinuro sa mga ito ang pagpa-plano ng biyahe, pagcha-charge ng e-vehicle, ang pagkakaiba ng e-vehicles sa mga fuel-combusting na sasakyan at ang paggamit ng network ng e-vehicle chargers ng ACMobility.

Sinuportahan naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board chairman na si Teofilo Guadiz III ang naturang pilot study habang isinusulong sa bansa ang paggamit ng makabago at mas magtatagal na solusyon sa transportasyon at polusyon.

"This pilot marks a critical step in our efforts to explore and understand the unique opportunities and challenges associated with EV adoption in our country, and will provide us valuable insights and data to help us craft informed, inclusive, and effective policies that support and promote sustainable urban mobility while ensuring the safety and convenience of the commuting public," ang pahayag ni Guadiz.