Makaraan ang dalawang linggong malakihang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, bababa naman ito ng halos hanggang piso sa susunod na linggo.

News Image #1

(Larawan ni Dexter Terante)

Batay sa mga pag-eestima sa fuel trding nitong nakaraang apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang mga tinatayang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang sumusunod:
• Gasolina - P0.50 hanggang P0.75
• Diesel - P1.00 hanggang P1.15
• Kerosene - P0.90 hanggang P1.00
Sinabi ni Romero na ang bumababang tensyon sa Gitnang Silangan, ang potensiyal na sobra sa suplay ng krudo sa unang bahagi ng taong 2025, ang inaasahang pagbagal ng pangangailangan sa langis sa 2025 dahil sa upgrade ng mga sasakyan at ang bumabagal na ekonomiya ng China ang mga dahilan ng inaasahang kabawasan sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

I-aanunsyo naman ng mga lokal na kumpanya ng langis bukas, Lunes ang magiging pinal na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo at magiging epektibo naman ito sa Martes.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 15, ang gasolina ay tumaas ng P2.60 hanggang P2.65 kada litro, ang diesel naman ay tumaas ng P2.70 kada litro at ang kerosene ay tumaas ng P2.60 kada litro.

Dahil sa mga pagtataas na ito, may kabuuan nang P9.05 kada litro ang naitaas sa presyo ng gasolina simula noong Enero at P6.75 naman kada litro sa diesel. Ang kerosene namay ay may kabuuang pagtataas na P2.75 kada litro.

Sa ngayon, dito sa Metro Manila, ang presyo ng gasolina sa mga gasolinahan ay nasa pagitan ng P50.20 hanggang P70.20 kada litro, ang diesel naman ay mula P46.40 hanggang P61.00 kada litro at ang kerosene ay mula P67.29 hanggang P78.14 kada litro base sa monitoring ng DOE.