Mahigit tatlong taon nang lumampas ang pagpayag na manatili sa bansa ang isang Russian DJ na dati nang inireklamo dahil sa panggugulo nito sa isang probinsya

Ang 36 na taong gulang na DJ na si Andrei Umanskii ay natiyempurhan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division sa Pasay City mall.

Sinabi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. na may kautusan na para ipatapon si Umanskii palabas ng bansa noon pang 2023 dahil sa pagiging overstaying alien.

Noong 2020, naaresto na rin ang Russian sa El Nido, Palawan dahil sa panggugulo makaraang makainom at pagpalag sa mga pulis na umaresto rito.

Noon namang 2022, sinaktan nito ang isang tricycle driver sa Puerto Princesa, Palawan.

Sa ngayon ay nasa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Umanskii habang inaayos ang mga dokumentong may kinalaman sa deportasyon nito.