Magtataas na naman ng presyo ang mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, at ito na ang magiging ika-apat na sunod na linggo na magkakaroon ng pagtataas.

News Image #1

(Larawan ni Dexter Terante)

Ang gasolina ay madadagdagan ang presyo ng tinatayang P1.25 hanggang P1.50, ang diesel naman ay sa pagitan ng P0.40 hanggang P0.60 at ang kerosene naman ay nasa pagitan ng P0.60 hanggang P0.80 kada litro.

Ito ang pagtataya ng Department of Energy-Oil Industry batay sa oil trading sa nakalipas na apat na araw.

"Geopolitical tensions in the Middle East, an unexpectedly large withdrawals in the US crude inventories, and optimistic forecasts for summer fuel demand have all contributed to pushing prices in oil products higher," ang pahayag ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero.

Sa pinakahuling serye ng pagtataas sa mga produktong petrolyo, mula Enero ng taong ito hanggang sa kasalukuyan, ang gasolina ay tumaas na ng P9.25 kada litro, ang diesel naman ay P8.40 kada litro at ang kerosene ay nasa P1.75 kada litro.

Batay sa pinakahuling monitoring ng DOE sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga gasolinahan, ang gasolina ay mabibili sa halagang P55 hanggang P81.75 kada litro, ang diesel ay mula P52 hanggang P70.25 kada litro at ang kerosene naman ay nasa P74.04 hanggang P84.04 kada litro.