Sa kabila ng matinding ulan at baha, nagsagawa pa rin ng operasyon ang Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit at nakahuli sila ng drug suspect kahapon ng madaling araw, Hulyo 24, 2024, sa Barangay Santa Ana, Taguig City.

News Image #1


Arestado si alyas Toto makaraang makuha rito ang 21.9 gramo ng methamphetamine hydrochloride na nagkakahalaga ng ₱148,920.00.

News Image #2


Sa buy-bust operation na isinagawa ng Taguig City Police, bandang alas 3:30 ng umaga nang ang isang ahente nila na nagpanggap na buyer ng shabu ang nakipagtransaksyon kay alyas Toto.

Iniabot nito ang P200 kay Toto at nang ibigay na ang binibiling droga ay saka ito dinakma ng mga pulis.

Dalawang heat-sealed transparent sachet na may lamang hinihinalang shabu at isa pang plastic na nakatali na may laman ding hinihinalang shabu.

News Image #3


Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ibinigay na ang nakumpiskang mga droga sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit.

(Mga larawan mula sa Taguig City Police)