Makakatanggap ng scholarship ang mga estudyante ng 14 na eskwelahan sa EMBO barangays mula sa pamahalaang lungsod ng Taguig kahit na hindi kasali ang mga ito sa top 10% ng kanilang graduating class.
Tiniyak din ng pamahalaang lungsod ng Taguig na hindi magiging isyu ang residency at registration requirements para sa mga estudyanteng nasa EMBO barangays para sa kanilang ibibigay na scholarship sa pag-aaral. Sapat na anila na nakatira sa EMBO barangay o nag-aaral sa mga eskwelahang ito para makakuha rin ang mga ito ng scholarship sa edukasyon.
Pormal na inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa Pitogo National High School noong Martes, Agosto 22, ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI) Scholarship Program para sa mga estudyante sa EMBO barangays.
Bukas para sa lahat ang scholarship program, kahit na anong year level ng estudyante, at maging sa mga nag-aaral para sa kanilang licensure examination at kumukuha ng postgraduate studies.
Ang mga high school graduates, may academic achievement man o wala, ay maaaring makatanggap ng P15,000 hanggang P50,000 kada taon para sa kanilang pag-aaral. Ang mga nagnanais namang mag-aral sa mga pangunahing kolehiyo at unibersidad, o kukuha ng mga pangunahing kurso na kinilala ng Department of Science and Technology, ay maaaring makakuha ng P40,000 to P50,000 kada taon. Ang mag-aaral naman ng technical at vocational courses ay makakatanggap ng P15,000 kada taon.
Samantala, ang mag nagre-review para sa board at bar exams ay makakatanggap ng isang beses na tulong na P15,000 hanggang P20,000 at may dagdag pang P50,000 kung malalagay sa Top 10 sa eskwelahan. Ang tulong na ito ay nakalikha na ng 3,200 licensed professionals.
Ang mga guro na nagtuturo sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa Taguig, ang mga empleyado ng barangay, siyudad at maging ng pambansang pamahalaan kasama ang mga uniformed personnel na nakabase sa Taguig at nag-aaral para sa Masteral at Doctoral Degress ay maaari ring maging iskolar ng Taguig. Makakatanggap sila ng P18,000 hanggang P60,000 kada taon depende sa kategorya ng kanilang eskwelahan. Mayroon ding P50,000 Thesis and Dissertation Grant, kaya't aabot sa P110,000 ang kanilang matatanggap. Ang tulong na ito ay nakatulong na ng 2, 000 graduate students at halos 500 dito ang nakatapos na sa kanilang graduate degrees.
Maaaring matunghayan ang kumpletong listahan ng alok na scholarship at mga requirements sa website ng taguig.gov.ph o sa Taguig Scholarships official Facebook page. Maaari ring magtungo sa Taguig Scholarships Office na nasa Senator Renato Compañero Science and Technology Memorial Science High School sa Barangay Ususan. Maglalagay rin ang siyudad ng satellite scholarship desk sa ika-siyam na palapag ng Taguig Satellite Office, SM Aura Tower sa Bonifacio Global City, Taguig.
Scholarship ng Taguig, Bukas para sa EMBO barangay residents | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: