Nauwi sa pagwo-walk-out ni Senadora Nancy Binay ang pagdinig na isinagawa ng Senate Accounts Committee kaugnay ng ginagawang bagong gusali ng Senado sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ni Jayson Pulga)

Ang mainitang pagtatalo nina Binay at Senador Alan Peter Cayetano, ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Accounts na dating pinamunuan ni Binay, ay bunga ng isyu ng paglobo diumano ng budget sa konstruksyon ng gusali sa P23 bilyon.

Binigyang diin ni Binay na mismong ang Department of Public Works and Highways ang nagsabi sa isang panayam sa media na ito ay hindi aabot sa P23 bilyon.

Gayunman, nang nasa pagdinig na ng Senado, sinabi ni Cayetano na nagkamali ang DPWH sa kanilang sinabi sa media. Dahil dito, humingi ng paumanhin si DPWH Undersecretary Emil Sadain.

Iginiit na Cayetano ang pagtataya niyang nasa P23 bilyon ang gastos sa konstruksyon ng gusali. Kasama rito aniya ang pagkakabili ng lupa, bukod sa P21.73 bilyong gastos sa tatlong phases ng proyekto batay sa Multi-Year Contract Authority nito.

Panoorin ang pangyayari sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts kahapon sa Senado ng Pilipinas sa Pasay City: