Nagharap na ng reklamo si Senadora Nancy Binay sa ethics committee ng Senado laban kay Senador Alan Peter Cayetano kahapon, Hulyo 8, 2024.

News Image #1

(Larawan ni Dexter Teramte)

Sa 15 pahinang reklamo ni Binay, sinabi nitong ilang paglabag sa batas ang ginawa ni Cayetano makaraang gumamit ito ng mga nakakainsulto at hindi karapat-dapat na salita sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts kaugnay ng pagpapagawa sa bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Ayon kay Binay, ininsulto siya ni Cayetano sa pagdinig at inakusahan pang nagkakalat ng mga maling balita. Idinagdag pa ni Binay na ilang beses siyang sinisisi ni Cayetano sa kaguluhan sa pagdinig ng naturang komite.

Sinabi ni Binay na ang mga mali at mapanirang-puring pahayag ni Cayetano laban sa kanya ay isang paglabag sa Article 358 ng Revised Penal Code at inabuso ang karapatan nito bilang chairperson ng Committee on Accounts na aniya ay paglabag sa Article 19 ng Civil Code o Republic Act number 386.

Lumabag din aniya si Cayetano sa Republic Act Number 9710 o The Magna Carta of Women.

Hindi rin umano sumunod si Cayetano sa ethical standards para sa mga abogado sa ilalim ng Code of Professional Responsibility and Accountability.

Sinabi naman ni Cayetano na nais lamang niyang lumabas ang katotohanan sa likod ng lumobong budget sa pagpapagawa ng bagong Senate Building na natuklasan nilang nasa P23 bilyon na.