Kabilang ang mga senior citizens ng EMBO (Enlisted Men's Barrios) barangays sa mga maaaring makinabang sa mga serbisyo at pasilidad ng Taguig Center for the Elderly.

Binuksan ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa pamamagitan ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) sa mga senior citizens ng EMBO ang Center for the Elderly sa Ipil Street, North Signal Village simula noong Oktubre 9.

News Image #1


Isandaang senior citizens mula sa Barangay Pembo ang nasiyahan sa pasilidad at serbisyo ng limang palapag na sentro para sa mga matatanda

Bukod sa pag-iikot sa pasilidad, naranasan din nila ang libreng sauna at masahe, foot spa, panonood ng pelikula at libreng malamig na inumin.


News Image #2


Bilang bahagi ng hangarin ng Taguig City government na maging Transformative, Lively at Caring city ang Taguig, inihahandog nila ang pasilidad na ito sa mga nakatatanda para sila ay makapag-relax at makapag-recharge.

Bukod sa nabanggit na mga serbisyong naranasan ng senior citizens ng Barangay Pembo, mayroon ding therapy pool, clinic, mutipurpose hall o recreational area at rooftop garden ang Center for the Elderly nf Taguig.

News Image #3


Nasa pasilidad din ang Taguig Geriatric Program na kung saan katuwang ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang St. Luke's Medical Center sa pagbibigay ng libreng konsultasyon ng mga medical professionals.

Maaaring matingnan ang memorya, paningin at pandinig ng mga elderly tuwing Martes at ang mga lectures naman kaugnay ng depression, dementia, osteoporosis at diet ay ginagawa tuwing Huwebes.

News Image #4


Isa sa mga natuwa sa kauna-unahang libreng senior facility ay ang 66 taong gulang na residente ng Barangay Pembo na si Bienvenido C. Gonzalez Jr.

"Maganda ang mga facilities. Magagaling din ang mga nag-aassist. Libangan talaga ng mga senior kaya maraming salamat. Sana maakit 'yung ibang senior na pumasyal. Ako at aking mga kasamahaan na nagpunta rito ay nagpapasalamat sa pamahalaang lungsod ng Taguig. Alam po namin na mas priority niyo ang mga matatanda kaya salamat po sa pagbibigay ng oportunidad para sa ganitong pagtitipon na pati isip mo ay marerelax," ayon kay Gonzalez.

Sinabi naman ni Felicidad Paloma, 74 na taong gulang na residente ng Barangay Pembo na sulit ang kanyang pagpunta sa Center for the Elderly.

"Very good yung pagmasahe sa akin nawala yung sakit ng likod ko. Nawala din yung tusok-tusok sa paa ko. Kapag may chance, babalik at babalik ako rito. Nirerekomenda ko ang mga seniors na manood ng sine dito at maglibang-libang, hindi 'yung parati lang nasa bahay," ayon kay Paloma.

Ang iba pang EMBO barangay senior citizens ay dadalhin din ng Taguig City government sa Center for the Elderly sa mga susunod na araw.

(Photos by Taguig PIO)