Tatlongdaang pakete ng sigarilyo at mga produktong vape na nakumpiska sa mga tindahang 100 metrong malapit sa mga eskwelahan at pasilidad-pangkalusugan ang sinira ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa isang seremonya sa health summit sa Lakeshore Hall sa Barangay Lower Bicutan, Taguig.

"Alam na po natin ang pinsalang dulot ng pagsisigarilyo, hindi na nga lang sa kalusugan, kundi pati na nga sa finances ng pamilya," ang pahayag ni Cayetano sa health summit noong Hunyo 14.

Sinabi ni Cayetano na kailangang magtulungan upang maimplementa ang Comprehensive Smoke-Free Ordinance of Taguig City na naisabatas simula pa noong 2017.

News Image #1


Ang pagsasagawa ng health summit sa Taguig na dinaluhan ng mga may-ari ng sari-sari stores at iba pa ay bahagi ng paggunita ng World No Tobacco Day ng World Health Organization at ng No Smoking Month ng Department of Health.

News Image #2


Nagsagawa rin ng lecture ang mga doktor at abogado para talakayin ang batas laban sa paninigarilyo at ang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo at vaping.

Bukod sa lecture, binigyan din ng libreng check-up, diagnostic tests, HIV at Hepatitis B screening at testing, pagbabakuna laban sa Covid-19 at flu, at pagpapatingin sa dentista ang may 250 na may-ari ng mga sari-sari stores.

News Image #3