Itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa labingisang lugar sa bansa nitong Linggo dahil sa bagyong Enteng.

News Image #1

(Larawan ng PAGASA)

Makakaranas din ng halos buong araw na pag-ulan ang Taguig City at mga kalapit-lugar sa Metro Manila dahil naman sa habagat. Ito ay magpapatuloy hanggang Miyerkules ng tanghali.

Kabilang sa nasa ilalim ng Signal Number 1 ay ang silangang bahagi ng Camarines Sur: Presentacion, Garchitorena, Caramoan, Calabanga, Naga City, Pili, Bombon, Magarao, Ocampo, Baao, Nabua, Bula, Balatan, Bato, Milaor, Minalabac, Camaligan, Saglay, Iriga City, Buhi, Tigaon, San Jose, Goa, Siruma, Tinambac, Lagonoy, Canaman, Gainza at San Fernando.

Nakataas din ang Signal Number 1 sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Burias Island, Ticao Island, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran at ang hilaga-silangang bahagi ng Leyte: Babatngon, San Miguel, Tacloban City, Alangalang, Santa Fe, Palo at Barugo.

Ang hangin sa mga nabanggit na lugar ay nasa 39 hanggang 61 kilometro kada oras sa loob ng 36 na otas.

Ang bagyong Enteng ay nakita sa 120 kilometro hilaga-hilagang-silangan ng Borongan City Easterm Samar kahapon. Ang pagkilos nito ay patungo sa hilaga-kanlutan sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Adminsitration (PAGASA) na may posibilida na tumaas pa sa Signal Number 2 o 3 ang bagyong Enteng.

Inaasahang babagsak ang ulan na 100 hanggang 200 mm. sa Isabela at 50 hanggang 100 mm. sa Cagayan, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra, Ilocos Norte, at Ilocos Sur mula Lunes ng tanghali hanggang Martes ng tanghali.

Sa Martes ng tanghali hanggang Miyerkules ng tanghali, 100 hanggang 200 mm. na ulan naman ang bubuhos sa Babuyan islands, at 50 hanggang 100 mm. sa Batanes, Cagayan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Abra, Ilocos Norte at Ilocos Sur.

Magdadala naman ng ulan sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas ang habagat.

Ang malakas na pag-ulan sa Metro Manila ay inaasahan sa Martes ng tanghali hanggang Miyerkules ng tanghali.