Signal number 2 na sa hilaga-silangang bahagi ng mainland Cagayan, partikular sa Santa Ana at Gonzaga dahil sa bagyong Marce na ngayon ay nasa kategorya nang typhoon.
Batay sa ipinalabas na ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sentro ng bagyong Marce (international name: Yinxing) ay nasa 415 kilometro silangan hilaga-silangan ng Echague, Isabela o 395 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan (17.5°N, 125.5°E).
Ang lakas ng hangin nito ay nasa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna na may pagbugsong umaabot sa 170 kilometro kada oras at may central pressure na 960 hPa.
Bumagal ang kilos nito sa 15 kilometro kada oras at ang hangin nitong napakalakas ay umaabot ng 400 kilometro mula sa gitna.
Sa ngayon ay nasa Signal Number 1 ang mga sumusunod:
Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet (Mankayan, Buguias, Kabayan, Bakun, Kibungan, Atok, Bokod), Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler, Maria Aurora).
Ibinabala rin ng PAGASA ang storm surge na aabot sa 2 hanggang 3 metrong mataas sa normal na lebel ng alon sa susunod na 48 oras sa mga mababang bahagi ng baybaying dagat sa Batanes, Cagayan, kasama ang Babuyan islands, Isabela at Ilocos Norte.
Kumikilos ang bagyong Marce patungong kanluran hilagang-kanluran ngayong Nobyembre 6, 2024, at babagal habang patungo pakanluran sa Philippine Sea, sa silangan ng tuktok ng Northern Luzon.
Tinatayang babagsak sa lupa o dadaan ang bagyong Marce malapit sa Babuyan Islands o sa hilagang bahagi ng mainland Cagayan sa Huwebes, Nobyembre 7, 2024 ng hapon o gabi. Nagbabala ang PAGASA na lalong lalakas ang bagyong Marce habang pababa sa lupa.
Maaaring lumabas ang bagyong Marce sa Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng gabi.
(Mga larawan ng PAGASA)
Signal Number 2 na sa Santa Ana at Gonzaga, Cagayan; Bagyong Marce, Lalong Lalakas Habang Pababa sa Lupa sa Babuyan Islands o sa Hilagang Cagayan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: