Siyam na mga pulis ang nakatanggap ng Medalya ng Kagalingan sa isinagawang ika-dalawampu't walong Police Community Relations Month Celebration sa Camp Bagong Diwa, Taguig City noong Hulyo 31.

News Image #1


Kinilala ng Philippine National Police - National Capital Region Office (PNP-NCRPO) ang kontribusyon ng mga pulis na may kinalaman sa dalawang buy-bust operations nitong Hulyo kung saan nakakumpiska sila ng kabuuang mahigit P10 milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu o methamphetamine hydrochloride. Kabilang sa binigyan ng Medalya ng Kagalingan sina Colonel Earl Belarmino Castillo, Corporal Barney Cagalpin Malabana, Captain Rhoby Maghinang Hipolito at Senior Sergeant Jimmy Joy Erestain Fajardo.

Pinarangalan din ang mga pulis na nakaaresto sa suspek sa pagbaril sa photographer ng Remate Online na si Joshua Abiad at sa pamilya nito. Ang matiyagang pag-follow-up nina Captain Geronimo Caparas III at Corporal Wilbur Ramos ang naging dahilan upang agad nilang madakip ang suspek sa pamamaril.

News Image #2


Nakatanggap din ng Medalya ng Kagalingan dahil sa kanilang matagumpay na pamumuno upang matiyak na magiging mapayapa ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga pulis na sina Major General Rudolph Dimas, Commander ng Task Group Antabay, Brigadier General Reynaldo Tamondong, Commander ng Task Group Peace and Order, at Brigadier General Lex Ephraim Gurat na Commander ng Task Group Security.

Ginawaran naman ng plake ng pagkilala ang Southern Police District bilang Outstanding NCRPO Police District sa Police Community Affairs Division, Mandaluyong City Police Station bilang Outstanding City Police Station at Pateros Municipal Police Station bilang Outstanding Municipal Police Station sa Police Community Affairs Division.

Pinangunahan nI PNP-NCRPO Acting Regional Director, Brigadier General Jose Melencio Nartatez ang paggawad ng parangal sa mga natatanging pulis, kasama si Atty. Lucas Managuelod, Chairman ng Public Safety Savings and Loan, Incorporated o PSSLAI.

News Image #3


Sa naturang okasyon, ibinigay rin sa pulisya ang limang TMX 125cc motorcycles, ilang search and rescue equipment, and at mga panlinis na galing sa PSSLAI.

(Mga larawan mula sa PNP-NCRPO)