Bawal gamitin ang social media page ng isang kandidato sa eleksyon kung hindi ito nairehistro sa Commission on Elections (Comelec) hanggang noong deadline ng Disyembre 30, 2024.

Sa panayam ng Taguig.com, sinabi ni Comelec-Taguig Election Officer IV Eli Aringay na ipatatanggal ang mga posts ng kandidato sa mga hindi rehistradong social media pages na ginagamit sa kampanya.

News Image #1


Gayunman, ang mga fan pages ay hindi pipigilan ng Comelec sa pagpo-post ng kanilang napupusuang kandidato at pagpapahayag ng kanilang damdamin kaugnay ng mga ito.

Aniya, para lamang din itong paglalagay ng posters ng kandidato sa sariling bahay na hindi naman ipinagbabawal ng Comelec.

"Panawagan lamang natin sa ating mga kababayan ay gamitin ito ng responsible. At syempre, maglagay lamang ng tapat na impormasyon sa kanilang Facebook at iba pang social media platform," ayon kay Aringay.

Kasunod nito, inanyayahan ni Aringay ang mga mamamayan ng Taguig na makipag-ugnayan sa kanila kung nais na magsagawa ang Comelec ng demonstrasyon ng automated counting machine sa kanilang barangay.

News Image #2


(Mga larawan ni Jayson Pulga)