Peke ang kumakalat na balita sa social media na mayroong "chop-chop syndicate" na nanghaharang umano ng mga sasakyan sa may C5-Taguig malapit sa Bonifacio Global City, Greenmeadows at White Plains sa Quezon City, Valle Verde sa Pasig City at Binondo sa Manila.

News Image #1


Ito ang inihayag ng Southern Police District (SPD) kaugnay ng mga social media posts na nagsasabing may nagpapanggap na nabangga, may lilitaw na magpapakilalang pulis at kukunin ng puwersahan ang sasakyan upang paghiwa-hiwalayin at ibenta, at maaari rin diumanong kidnapin ang drayber ng sasakyan para sa ransom money.

Ayon sa SPD, wala silang natatanggap na ganitong mga insidente o biktimang humihingi ng tulong kaugnay ng diumano ay modus operanding ito.

Napag-alaman din na ang mga naturang posts ay "recycled" na lamang o nagmula sa mga social media posts na kumalat noon pang bago mag-pandemya.

"Validation has been made and found no truth to any of the claims in the said post. It is crucial to approach such information with utmost discernment and verify its authenticity before posting. In order to ensure the safety and security of the community, Southern Police District has placed extensive security measures such as active police presence especially to crime prone areas with the end goal of preventing crime. SPD remains steadfast in its commitment to ensuring public safety and maintaining law and order," ang inilabas na pahayag ng SPD.

Sinabi ng SPD na anumang insidenteng katulad nito ay kailangang iulat kaagad sa mga kinauukulang otoridad para maimbestigahan.

"Public awareness is crucial, but equally important is responsible sharing of information to prevent unnecessary panic and misinformation. We encourage the public to exercise caution, verify facts, and rely on official channels for accurate and up-to-date information," ang pagtatapos na pahayag ng SPD.

(Art card mula sa Philippine National Police)