Isang footballer ng South Korea ang nabiktima ng mga magnanakaw habang naglalakad sa Bonifacio Global City, Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

News Image #1

(Mula sa Instagram post ni Yi-young Park)

Sa Instagram post ni Yi-young Park, sinabi nitong nasa harapan siya ng One Bonifacio nang anim na kababaihan ang umaligid-aligid sa kanya. Tatlo sa mga ito ang pumwesto sa kanyang harapan para maharangan at mapabagal ang kanyang paglalakad at may mga nasa likod niya.

Bigla na lamang naghiwa-hiwalay ang anim na babae makaraan ang ginawang pag-istorbo sa kanyang paglalakad.

"I checked my bag immediately and it was too late. The zipper was opened...they had stolen my wallet," ayon kay Park.

Nakita pa ni Park ang mga babae na naghiwa-hiwalay sa tatlong grupo at nagtungo sa iba't ibang direksyon. Inabutan ni Yi ang dalawang babae at pinilit nitong hingin ang kanyang pitaka. Bigla na lamang aniyang lumakas ang boses ng mga babae at pinagbibintangan siyang naloloko dahil wala aniya sa kanila ang kanyang pitaka.

"They started getting angry and overacting. It became clearer to me that they had stolen my wallet but the guard could not provide any help. I kept chasing," ayon pa kay Park.

Nang makarating aniya sila sa lugar na kakaunti na lang ang tao, isa sa mga babae ang nagsabi sa kanyang kasamahan na isauli na lamang ang kanyang pitaka at umalis na. Nakuha naman muli ni Park ang kanyang pitaka.

News Image #2

(Mula sa Instagram post ni Yi-young Park)

Siniyasat ni Park kung nasa pitaka pa niya ang kanyang mga ID at cards subalit hindi niya nasiyasat agad kung nandoon pa ang kanyang pera. Nawalan ng pera si Park.

"Long story short, I'm safe and I got my wallet back but still missing some cash. I hope that you all remain alert and careful that something like this never happens again," pagtatapos ni Park.