Nagbabala ang Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO) kaugnay ng dumarami na namang scam messages na ipinadadala sa mga gumagamit ng mobile phones na nalalampasan ang mga telecommunication networks.

Ayon sa PCTO, ang mga bagong scam messages na ito ay nakakalampas sa mga filter ng mga telecommunication networks dahil gumagamit ng chat apps, mga Rich Communication Services (RCS) chats para sa Android users, at iba pang messaging platforms na nakabase sa internet.

News Image #1


Dahil dito, kahit mula sa abroad ang mobile number, nakakapagpadala pa rin ang mga scammer ng mga mensahe sa mga mobile numbers sa Pilipinas.

Ang iba namang manloloko ay gumagamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers o pekeng cell towers para ma-target ang mga mobile users na nasa isang lugar.

Ang mga portable na gamit na ito ay ginagaya ang mga cell towers para makapasok sa mobile communication sa isang partikular na lugar kaya't nakakakonekta ng direkta ang mga manloloko sa mga SIMs at nakakapagpadala sila ng mga mensahe sa pamamagitan ng pekeng sender ID kasama na ang opisyal na accounts. Ayon sa PCTO, ang tawag dito ay spoofing na nakakaiwas din sa pag-filter ng mga telecommunication networks.

News Image #2


Ang spoofing ang isa sa pinakamahirap para sa mga mobile users na malaman dahil nagagawa ng mga manloloko na makapagpadala ng SMS na tila opisyal na advisory mula sa mga pinagkakatiwalaang kumpanya o ahensiya ng pamahalaan.

Kapag kinlick ng pinadalhan ang link, napupunta sila sa mga malisyosong online pages.

Nanawagan ang PCTO para sa mas mahigpit na pagtutulungan ng mga nasa industriya ng telekomunikasyon, mga ahensya ng pamahalaan at maging ng mismong mga mamamayan upang maiwasan at matanggal na ang mga ganitong panloloko.