Kinumpiska ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga sweetened beverages ng S&R Membership Shopping ng Vermirich Foods Corporation sa isinagawang pagsalakay sa tindahan nito sa 32nd Street at 5th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig noong Huwebes.
Kasunod ito ng pagsalakay rin ng BIR sa mismong pagawaan ng Vermirich sa Cavite Light Industrial Park sa Silang, Cavite.
Ang magkasunod na raid ay isinagawa ng BIR dahil sa pagkakautang sa excise tax ng Vermirich na umaabot sa P800 milyon simula pa noong 2018.
Pinangunahan ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. at Atty. Jethro M. Sabariaga, Assistant Commissioner ng Large Taxpayers Service, at mga representante ng BIR ang raid na bahagi ng kampanya ng ahensiya laban sa mga tumatakas sa pagbabayad ng tamang buwis at ilegal na nagnenegosyo.
Ayon sa BIR, lumabag ang Vermirich sa Sections 130, 150-B, 254 at 263 ng National Internal Revenue Code ng 1997 na na-amiyendahan, na may kinalaman sa paghaharap at pagbabayad ng excise taxes. Kasama sa P800 milyong pagkakautang sa buwis ng Vermirich ang interes, surcharges, multa at ang 12 porsiyentong value added tax (VAT) sa mga juice drinks.
Nabigo rin ang Vermirich na kumuha ng kaukulang permiso para makapagsagawa ng operasyon bilang manufacturer ng mga sweetened beverage products na kinakailangang magbayad ng excise tax, na isa ring paglabag sa Section 154 ng nabanggit na Code.
Nadamay ang S&R sa pagsalakay dahil sa ibinebenta nitong S&R Lemon Tea at S&R Rasperry Tea na mga powdered juice beverages na gawa ng Vermirich.
Sinabi ng BIR sa isang pahayag na ang S&R ay pinagsabihan na nila sa isang liham noong July 6, 2021 na sumunod sa mga regulatory requirements bilang tagapamahagi ng produkto ng Vermirich.
"As the distributor of Vermirich's products, S&R failed to exercise due diligence in ascertaining whether the appropriate taxes had been paid by Vermirich on the sweetened beverages in question. Consequently, S&R can be held liable for violations of Section 4, Revenue Regulations No. 20-2018, and Sections 130, 150-B, and 263 of the NIRC," ayon sa pahayag ng BIR.
Nagsagawa rin ng raid ang BIR sa Supervalue Incorporated at Super Shopping Market Incorporated sa SM City North Mall sa Quezon City makaraang madiskubre ang mga kahon ng SM Bonus Apple Juice Drink at SM Bonus Orange Juice Drink sa warehouse ng Vermirich nang isagawa ang raid sa Cavite.
Napag-alaman ng BIR na ang dalawang tindahan sa Quezon City ay namamahagi rin ng mga produktong gawa ng Vermirich kaya't nadamay rin ang mga ito sa pagsalakay.
Tiniyak ng BIR na sisiyasatin din nila ang iba pang manufacturers ng sweetened beverages upang malaman kung may kaukulang permiso ba ang mga ito na gumawa ng kanilang produkto at kung may tamang buwis na binabayaran.
S&R Sa BGC, Sinalakay Ng BIR | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: