Nagharap ng "Urgent Motion for Clarification with Prayer for the Issuance of a Status Quo Ante Order" si Makati City Mayor Abby Binay sa Branch 153 ng Taguig Regional Trial Court (RTC) kahapon, Oktubre 5.

News Image #1


Nilalayon ng isinampang mosyon ng Makati na magkaroon ng status quo o ibalik sa dati ang sitwasyon sa agawan ng Makati at Taguig City sa hurisdiksyon ng mga barangay sa EMBO (Enlisted Men's Barrios) at Fort Bonifacio dahil nais umano ng Taguig na iimplementa ang desisyon ng Korte Suprema sa Civil Case Number 63896 na walang writ of execution mula sa trial court.

Sinabi ni Binay sa kanyang pagsasalita sa media na nais lamang ng Makati na magkaroon ng maayos na administrasyon ng desisyon ng Korte Suprema upang hind imaging magulo at maaantala ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga apektadong lugar.

Sinabi ng pamahalaang lungsod ng Makati na hindi nilinaw ng Korte Suprema at wala rin sa anumang parte ng desisyon nito na agarang ipapatupad, at hindi rin nakasaad ang eksaktong sakop ng Parcels 3 at 4 ng PSU - 2031 na pinagtatalunan ng Taguig City at Makati City.

Dahil dito, hiniling ng Makati sa Taguig Trial Court na iklaro at kumpirmahin ang pangangailangan ng pamahalaang lungsod ng Taguig na kumuha muna ng writ of execution, at ang pagdetermina rin ng korte sa eksaktong nasasakupan ng pinagtatalunang hurisdiksyon bago iimplementa ang desisyon ng Korte Suprema.

Sinabi rin ng Makati na ang urgent motion ay makapagbibigay ng pagkakataon upang maipaglaban ang kanilang karapatan bilang may-ari ng mga gusaling nakalagay sa pinag-aagawang teritoryo.

Una rito, sinabi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na hindi na kailangan ang writ of execution dahil malinaw naman sa desisyon ng Korte Suprema na ang Parcels 3 at 4 o ang kinaroroonan ng EMBO barangays at Fort Bonifacio, kabilang na ang Bonifacio Global City (BGC) ay pag-aari ng Taguig City.

(Photo from file)