Patuloy na nakakahuli ang Taguig Police ng mga suspek sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot sa Taguig City makaraang magawaran ito ng pagkilala kamakailan ng Philippine National Police - National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) dahil sa kahusayan nito sa paghuli ng mga may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
Isa na namang lalaking 44 na taong gulang ang naaresto nilang may dalang 16 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P108,800 sa isang buy-bust operation sa C5 Road sa Palar, Barangay Pinagsama, Taguig noong Setyembre 7.
Ayon sa Taguig Police Drug Enforcement Unit, nagpanggap ang isa sa kanilang kasamahan na bibili ng shabu sa suspek na si Christopher Labadores. Binigyan ito ng poser-buyer ng dalawang P100 perang papel. Nang kunin ng suspek ang pera at ibigay ang binibiling droga na nasa isang plastic sachet, agad na lumabas ang mga nagtatagong pulis upang hulihin ito.
Bukod sa isang plastic sachet na ibebenta sana sa nagpanggap na bumibili, nakakuha pa sila ng limang plastic sachets mula kay Labadores.
Sa kasalukuyan ay nasa custodial facility ng Taguig Police si Labadores habang hinihintay ang pagpo-proseso sa ikakaso ritong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(Photos by Taguig PIO and Taguig Police)
Suspected Drug Pusher, Huli sa Palar | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: