Nagkaroon ng bahagyang hindi pagkakaunawaan makaraang pumila ng napakaaga ng ilang mga senior citizens at Persons with Disabilities (PWDs) mula sa EMBO (Enlisted Men's Barrios) barangays para bumoto sa Baranggay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) kahapon, Oktubre 30.

News Image #1


Ayon sa ilang pumila ng bandang alas 4:30 ng umaga, akala nila ay kasama ang Taguig sa early voting hours project ng Commission on Elections.

Gayunman, noong nakaraang linggo pa lamang ay inanunsyo na ng Comelec sa kanilang social media page na Comelec-Taguig na hindi kasama ang siyudad sa early voting hours project para sa BSKE 2023.

News Image #2


Sa ilalim ng proyektong ito, ang mga senior citizens, PWDs at mga buntis at ang kanilang kasama ay maaaring makaboto mula alas 5:00 hanggang alas 7:00 ng umaga.

Ang Muntinlupa City at Naga City lamang sa Camarines Sur ang kasama sa proyekto at hindi ang Taguig.

"Nais po naming ipagbigay-alam na hindi kasama ang Lungsod ng Taguig sa mga lugar na may Early Voting Hours para sa mga miyembro ng Persons with Disability (PWD), Senior Citizens, at heavily pregnant women (buntis na 6 na buwan pataas)" ayon sa Comelec-Taguig.

Binigyan pa rin naman ng prayoridad sa linya ang grupong ito sa loob ng oras ng botohan mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon.

(Photos by Comelec-Taguig)