Ang Taguig City, Iligan City at Cagayan de Oro City ang may pinakamataas na kaso ng online child sexual abuse at exploitation ng mga bata, ayon sa Department of Justice.

Ang edad ng pinakabatang biktima ay tatlong buwang gulang, at ang iba pa ay mga teen-ager pababa.

News Image #1

(Larawan mula sa PNP Women and Children Protection Center)

Sinabi ni Atty. Margarita Magsaysay, executive director ng DOJ Center for Anti-Online Child Sexual Abuse, natagpuan nilang talamak ang kaso ng pang-aabusong sekswal online at paggamit sa mga bata para sa sekswal na krimen sa tatlong lugar na ito, na ang target ay mga mahihirap na bata. Gayundin, natagpuan ang mga exploitation materials na nakasentro sa mga bata sa mga nabanggit na siyudad.

"They (poor children) are being targeted because OSAEC (online sexual abuse and exploitation of children) is a financially-lucrative activity. So, kumakagat na 'yung mga victims, mga P200 o P300 for just showing CSAEM (child sexual abuse and exploitation materials), showing nude pictures. That's how bad it is," ayon kay Magsaysay.

Nakaalarma aniya dahil mas nakukuha na ng madali ang mga nude pictures ng mga bata lalo na at nagiging mura na ang halaga ng mga ito. Gayundin, ang Pilipinas aniya ang nagiging paboritong pinagkukunan ng ganitong materyales ng mga mapang-abusong dayuhan.

Napag-alaman na ang mga bumibili ng sexual materials na ito ay mga matatandang lalaki mula sa mga English-speaking at mayayamang bansa sa kanluran.

Sinabi ng DOJ na ang mga natukoy na mga siyudad at probinsiya kung saan talamak ang online child sexual abuse at exploitation ay tatargetin sa kanilang operasyon.