Ipinagdiwang ng Taguig Lingap Center ang kanilang ika-walong anibersaryo ng pagkakatatag noong Hulyo 8, 2024 sa bagong Multipurpose Building sa Purok 2, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.

News Image #1


Sa pamamagitan ng tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig at City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ang Taguig Lingap Center ay nagbibigay ng pansamantalang matutuluyan ng mga batang nasa panganib, nangangailangan ng espesyal na proteksyon at mga biktima ng karahasan simula pa noong 2016.

Sa selebrasyon ng anibersaryo nito, nagpasalamat si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa mga house parents at staff ng Taguig Lingap Center, at ibinahagi rin niya ang mga binabalak para sa naturang sentro.

News Image #2

"Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nangangalaga sa ating center. Walong taon na ang ating ipinagdiriwang na anibersaryo at excited ako sa mga susunod pang taon kung saan madami pang mga programa, makakalipat tayo sa mas maayos nating tahanan, at higit sa lahat matutulungan natin ang ating mga residente sa daan sa recovery at 'yung iba naman ay para ma-reintegrate na ulit sa ating community. Hindi magagawa ng City of Taguig itong pagpapatakbo sa mga centers kung hindi dahil sa mga puso at malasakit ng ating mga workers," ayon kay Cayetano.

Sinabi naman ng pinuno ng City Social Welfare Development Office Nikki Rose Operario na ang mga bata sa sentro ay nakakapag-aral din at sa katunayan, ilan sa kanila ang mga nagkamit ng karangalan sa eskwelahan.

Pinasalamatan ni Operario si Cayetano sa patuloy na suporta nito sa sentro.

Ilang mga bata na sa sentro ang nakapagtapos ng Junior at Senior High School na mayroon pang academic distinction at mga special awards.

News Image #3


Isa rin sa mga residente rito ang nakatapos ng high school na may high honors at handa nang mag-kolehiyo.

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)