Libo-libong mga residente ng Barangay South Cembo at Barangay Comembo ang nabiyayaan ng tulong-pangkalusugan sa isinagawang Taguig Love Caravan sa 2 EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays na ito noong Sabado, Enero 27, 2024.

News Image #1


May kabuuang 2, 900 na mga residente ng dalawang barangay ang nagpakonsulta sa mga doktor at 421 naman ang nagpatingin sa mga dentista at nagpabunot ng ngipin.

News Image #2


Nakakuha rin ng libreng gamot ang may 1, 434 na residente ng Barangay South Cembo sa isinagawang Taguig Love Caravan sa South Cembo Elementary School.


Ang mga residente naman ng Barangay Comembo na umabot sa 1,451 at nagtungo sa medical and dental mission ng Taguig City sa Benigno Aquino High School ang nakatanggap ng libreng maintenance medications at resetang gamot sa botikang nasa caravan din.

May dalang diagnostic at laboratory ang caravan kung saan nabigyan ng agarang blood tests, urinalysis, Chest X-ray at ECG ang mga nangangailangan nito.

News Image #3


May libre ring flu quadrivalent vaccination para sa mga senior citizens, buntis, persons with comorbidities at healthcare workers, HPV vaccine para sa mga batang edad 9 hanggang 14, at routine vaccination para sa mga batang mababa sa edad na lima na kinabibilangan ng Hepatitis B, Penta, OPV, IPV at MMR.

Libre rin ang hearing aids, walker, at wheelchair para sa mga nangangailangan nito.

News Image #4


Ang mga buntis naman ay sumailalim sa prenatal checkup, visual inspection with acetic acid (VIA) at tinuruan din ng pagpa-plano ng pamilya.

Mayroon ding isinagawang cooking demonstration at pamamahagi ng mga gulay at iba pang sangkap sa pagluluto.

News Image #5


Tinulungan din ang mga mamamayan ng South Cembo at Comembo sa kanilang PhilHealth application.

Ang mga hindi nakapunta sa Taguig Love Caravan ay maaari nanang magtungo sa mga pasilidad pangkalusugan ng Taguig na kinabibilangan ng Taguig-Pateros District Hospital (TPDH), 31 health centers, 7 primary care facilities, 3 super health centers, dialysis center, 5 animal bite treatment centers, 3 pangunahing laboratory at 29 na community-based laboratories.

Ang Taguig Love Caravan ay isang mobile health program na umiikot sa siyudad tatlong beses isang linggo.

(Photos by Taguig PIO)