Apatnaraan at tatlumpu't pitong taon na ang Taguig sa darating na Abril 25, 2024. Ang ika-limang pinaka-mataong siyudad sa Pilipinas, na may populasyon na 1.2 milyon katao, ay isa sa pinakamatagumpay na lungsod sa bansa.

News Image #1


Mayaman hindi lamang sa pinansiyal na kapasidad at modernong pasilidad at kaalaman, malalim din ang kasaysayan nito at kulturang napreserba sa natatanging lugar na tinatawag na Probinsiyudad.

Malaki ang impluwensiya ng Taguig sa kalakalan, turismo, kasiyahan, palakasan at edukasyon sa bansa. Ito rin ang tahanan ng mga embahada ng iba't ibang bansa, mga importanteng ahensiya ng pambansang pamahalaan, at sentro ng mga pangunahing multinational na korporasyon.

Nakilala noong unang panahon ang Taguig bilang lugar ng pangisdaan dahil sa Laguna de Bay at mga pangunahing ilog na tumatakbo rito. Ito rin ay lugar ng mga magsasaka. Bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang Taguig ay isa nang matatag na lugar ng mga Tagalog, kung saan kasama nilang namuhay ang mga Moro at Chinese.

Ang mga orihinal na magsasaka at mangingisda sa lugar na may 800 ang bilang, ay mahusay sa pagbabayo ng palay makalipas ang pag-ani rito. Tinawag silang mga "taga-giik" (rice thresher), at ang lugar nila ay tinawag na "pook ng mga taga-giik."

Ang Espanyol na paring si Alonso de Alvarado kasama ang conquistador na si Ruy López de Villalobos ay tumawid sa Pasig River tungo sa lugar ng Taguig noong 1571, noong panahon na kinontrol nila ang Pilipinas. Nahirapan ang mga Espanyol sa pagbigkas ng taga-giik kaya't ang pangalang "taga-giik" ay pinaikli nila sa Tagui-ig, hanggang sa ito ay maging Taguig.

Taong 1582 nang kinilala ng mga Espanyol ang lugar na bahagi ng Encomienda del Tondo at inilagay sa pamumuno ng Alcalde Mayor na si Captain Vergara na namuno rito hanggang 1583.

Noong Abril 25, 1587, ang lugar na nakilala na bilang Taguig, at may siyam na baryo, ay opisyal na kinilala bilang isang pueblo o bayan ng probinsya ng Maynila, at inilagay sa pamamahala ni Kapitan Juan Basi.

Batay sa kasaysayan, ang orihinal na siyam na baryo nito ay ang Bagumbayan, Bambang, Hagonoy, Palingon, Santa Ana, Tipas, Tuktukan, Ususan at Wawa. Ang Santa Ana ang siyang sentro ng munisipyo o población ng Taguig noon.

(Larawan ng Taguig.com official photographer)