Nagpalitan ng akusasyon ang mga pamahalaang lungsod ng Taguig at Makati makaraang i-anunsyo ng Makati City Government na hindi na magagamit ng mga taga-EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays ang yellow card (health card) na inisyu ng Makati para makapagpagamot sa Ospital ng Makati (OsMak) at isinara na rin ang mga health centers sa naturang mga barangay.

News Image #1

(Larawan mula kay Liza Aperin)

Ayon sa pahayag na inilabas ng Taguig City, nanlilinlang ang Makati kaugnay ng dahilan nitong paso na ang license to operate ng mga health centers sa EMBO kung kaya't kailangang isara.

"Isa itong panlilinlang at panloloko. Hindi kailangan ng license to operate (LTO) ng mga health centers maliban na lamang kung ito ay isang registered primary care facility. Iisa lamang ang registered primary care facility sa EMBO, ang Pitogo Health Center, na may lisensyang 3 taon na may bisa pa. Kaya't lahat ng health centers sa EMBO ay maaring magpatuloy ng operasyon kung gustong magbigay ng serbisyo," ayon sa pahayag ng Taguig City.

News Image #2

(Larawan mula sa Taguig PIO)

Sumagot naman si Makati City Administrator Claro Certeza at sinabing pinaalalahanan pa mismo ng Department of Health ang Taguig City na mag-apply ng renewal para sa license to operate ng sampung health centers sa EMBO sa DOH Regulation, Licensing and Enforcement Division upang matiyak na hindi mahihinto ang serbisyong pangkalusugan sa mga barangay na ito.

"Matagal nang alam ng Taguig na magsasara ang health centers sa EMBO barangays bago pa man ito i-anunsyo ng Makati. Matagal na ring alam ng Taguig na kailangan ng License to Operate para sa health centers sa EMBO. Ito ay ipinaalala pa sa kanila ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH) sa isang sulat noong November 21, 2023. Ano ang naging aksyon ng Taguig? Wala," ayon kay Certeza.

News Image #3

(Larawan ni Makati City Administrator Claro Certeza)

Iginiit naman ng Taguig na ang Makati City ang tumalikod sa naunang usapan para sa mapayapa at maayos na paglilipat ng mga health centers ng EMBO sa pamamahala ng Taguig City.

Ayon sa pahayag ng Taguig, sa isang pulong noong Setyembre, 2023, ang alkalde pa ng Makati ang nagpanukala na ang Taguig na ang mamahala sa health centers simula Oktubre 1, 2023 kaya't naglaan na sila ng pondo para sa mga kawani. Gamot at kagamitan ng health centers at lying-in clinics sa EMBO.

Gayunman, tumalikod umano ang Makati sa kasunduang ito "at biglang ginawang kondisyon ang pagsuko ng Taguig sa karapatan nito sa pagmamay-ari ng health centers at ng lupang kinatitirikan ng mga ito. Kung tutuusin, hindi hadlang sa maayos na paglilipat ng pamamahala ng health centers ang usapin sa pagmamay-ari, sapagkat nagkasundo na rin ang mga partido na ihiwalay ang usapin sa pagmamay-ari na dapat isampa sa mga korte," ang nakasaad sa pahayag ng Taguig City.

Sinabi naman ni Certeza na ang Taguig ang tumalikod sa kasunduan makaraang tumangging pumasok sa isang Memorandum of Agrement (MOA) sa Makati kaugnay ng mga propriyedad na pag-aari at pinamamahalaan ng Makati.

Tumanggi rin aniya ang Taguig sa isang Data Sharing na kasunduan.

"From the start, Taguig has flatly refused all proposals coming from Makati to ensure uninterrupted access to health services in the EMBO barangays. Instead, they continue to make the outrageous claim that they own the public facilities constructed by Makati and the land on which these facilities have been built," dagdag ni Certeza.

Sinabi naman ng Taguig na handa silang patunayan ang pagmamay-ari nito ng mga lupa at pampublikong pasilidad sa EMBO batay sa naging desisyon ng Korte Suprema na ang EMBO barangays ay nasa hurisdiksyon ng Taguig.

"Lilinawin ulit namin: handa ang Taguig na patunayan ang pagmamayari niya ng mga lupa at pampublikong pasilidad sa EMBO. Handa ang Taguig na magbigay ng maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng EMBO. Subalit habang pinagtatalunan sa korte ang usapin ng pagmamay-ari, kailangang hayaan ang Taguig na mamahala sa mga health centers at lying in clinic sa EMBO at pagsilbihan ang mga residente nito. Hindi dapat paglaruan sa politika ang buhay at kalusugan ng mga mamamayan," ang pahayag ng Taguig City.

Ang sampung EMBO barangays na apektado ng pagtatapos ng paggamit ng yellow card sa OsMak at pagsasara ng health centers ay ang Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo, at West Rembo.

News Image #4

News Image #5

(Art cards mula sa Taguig PIO)