Hindi na kailangang kumuha ng Mayor's Permit o clearance ang mga mag-a-apply ng trabaho sa mga pribadong kumpanya sa Taguig City.

Sa ilalim ng Ordinance Number 109 na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod noong Disyembre 18, 2023 at inaprubahan kamakailan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, ang mga empleyado, kasama na ang mga self-employed o nagpa-praktis ng propesyon ay hindi na kailangang magsumite pa ng dati ay kinakailangang Mayor's permit o clearance.

News Image #1

(Art card by Taguig PIO)

Ang ordinansang ito ay isang pagbabago sa Taguig Tax Revenue Code kung saan idinagdag na exempted na ang mga indibidwal sa dating requirement na ito upang mas maging magaan na para sa mga naghahanap ng trabaho o nagta-trabaho ang mga kinakailangang tuparin.

Hindi lamang oras kung hindi gastusin din ang natipid ng mga naghahanap ng trabaho.

News Image #2

(Photo byTaguig PESO)

"Our commitment is anchored in the constitutional mandate to provide full protection to labor and to promote full employment opportunities for all. We strive to simplify processes, making them more accessible for individuals contributing to Taguig's vibrant workforce," ayon kay Cayetano.

Ang pag-amyenda sa Taguig Tax Revenue Code kaugnay ng binawas na documentary requirement ay nakalinya sa polisiya ng Taguig na hikayatin ang mga mamamayan nito na aktibong maghanap ng trabaho o ipagpatuloy ang kanilang propesyon, na naka-angkla sa Section 16 ng Local Government Code of 1991.