Bantay-sarado na ng Taguig Police at ng Barangay Pinagsama ang bahagi ng Waterfun sa C5, Taguig City makaraang mag-viral ang isang video sa TikTok kung saan itinuro ng netizen na si Alexis Buclatan ang mga lugar na pinamumugaran ng umano ay mga snatcher, hold-upper at drug addicts na nambibiktima ng mga naglalakad at pasahero ng mga sasakyan.

[
News Image #1


Sa video ng ating Taguig.com PH Group member na si Escabarte Villas DuhaylungsodJumawan Allouie, ipinakita niyang mayroon nang tent doon ang mga pulis para agad makapag-responde sa krimen. (I-click ang link sa ibaba para makita ang video).



Ayon sa Taguig Police, nabawasan ang ulat ng mga nananakawan o sinasaktan sa lugar makaraang mag-puwesto sila ng mga alagad ng batas sa lugar.

Tatlong mga suspek na ang naaresto sa bahagi ng Waterfun C-5 noong Agosto 24 at 25 na kinabibilangan nina Jeaford Dela Torre, 28 taong gulang, nakatira sa Barangay Pembo; Jhon Paul Dagpin, 20, residente ng Barangay Pinagsama; at Raffy Sueco Mirafuentes, 23 , residente ng Barangay Hagonoy. Naaresto ang mga ito ng mga pulis na Taguig Police Substation 2 at kasalukuyan nang nasa piitan.

News Image #2


Si Dela Torre ay nakuhanan ng 1 gramo ng shabu na ang tinatayang halaga ay P6,800. May nakuha ring hinihinalang ipinagbabawal na gamot sa dalawa pang suspek.

Matatandaang ang mediaman na si Bernard Ferrer ng Sonshine Media Network ay sa may Waterfun - C5 din nahampas sa katawan ng hindi pa nakikilalang suspek habang naglalakad sa lugar.


(Photos by Escabarte Villas DuhaylungsodJumawan Allouie and Taguig police)