Isang Taguigeñong police-trainee ang nagpakita ng kanyang kabayanihan makaraang isalba ang buhay ng isang 14 na taong gulang na babae na sinasabing nahulog sa ilog na nasa ilalim ng Barkadahan Bridge sa Taytay, Rizal noong Oktubre 6, 2023 ng tanghali.

Nag-viral ang videong ito ni Police Trainee August David, Jr. na tumalon sa mataas na tulay patungo sa ilog ng Taytay at iniahon ang batang babaeng muntik nang malunod.



Nakasakay noon ang 26 na taong gulang na pulis sa isang jeep na dumadaan sa Barkadahan Bridge nang makita niya ang mga nagkakagulong tao dahil sa batang babaeng nakitang nakalutang sa ilog.

News Image #1


Agad na bumaba si David sa pampasaherong jeep at naghubad ng sapatos, at saka tumalon sa ilog upang iligtas ang teen-ager.

News Image #2


Nadala naman agad sa Taytay Emergency Hospital ang batang babae at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.


Napag-alaman na si David ay kasalukuyang nagsasanay sa Valenzuela Police Station at nakatira sa Barangay Katuparan, Taguig City.

News Image #2


Pinuri ng hepe ng Valenzuela City Police na si Col. Salvador Destura, Jr. ang agarang aksyon ng Taguigeñong si David at hindi nagdalawang-isip kahit na mapanganib ang sinuong nito.

"I am extremely proud of the bravery and compassion shown by our police trainee August David Jr. His action shows that police work is not only about arresting (people)," ani Destura.