Sa hangaring maipamulat sa mga batang nasa Grade 2 ang kahalagahan ng pagbasa, magkakatuwang na isinagawa ng pamahalaang lungsod ng Taguig, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education ang Tara, Basa Tutoring Program Payout noong Setyembre 16, 2024 sa Taguig City University Auditorium.

News Image #1


May 3, 000 mga magulang at mga mag-aaral mula sa iba't ibang barangay sa Taguig City ang dumalo sa inisyatibong tumkbo mula Hulyo 1 hanggang Agosto 10, 2024.

Ang Tara, Basa Program ay nagbibigay ng tutorial lessons para mapaunld pa ang pagbabasa at pang-unawa ng mga batang mag-aaral kung saan aktibong kasama rito ang mga magulang. Binibigyan ng pinansiyal na tulong ang mga magulang upang matulungang mapaunlad ang kakayahan ng kanilang mga anak na magbasa.

News Image #2


Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mga magulang na payabungin pa ang kakayahan ng mga batang magbasa kahit natapos na ang programa.

"Sana po kahit tapos na ang programa at wala nang matatanggap na allowance ay itutuloy pa rin niyo ang pagtuturo sa inyong mga anak. Yaman din lamang na natutunan na po ninyo yung techniques at paraan para mapromote ang kahalagahan ng reading and comprehension, ituloy tuloy niyo na po - ambag niyo na po sa ating mga kabataan, ambag niyo na po sa ating bayan," ang pahayag ni Cayetano.

Binigyang diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagbabasa at pagkakaroon ng kaalaman: "Ang pundasyon po ng learning ng isang tao ay nakasalalay sa kahusayan niya sa pagbabasa at pag-iintindi ng kanyang binabasa. Sabi nga po, 'It takes a village to raise an educated child' Ibig sabihin po,lahat tayo dapat kumikilos."

(Mga larawan mula sa Facebook Page ng I Love Taguig)