Tatakbo ba bilang alkalde ng Taguig City si Makati Mayor Abby Binay sa halalan sa 2025?
Ito ang naging katanungan kay Binay ng media nang magtungo ang alkalde sa Pembo Elementary School kahapon, Agosto 23, para mamahagi ng mga school supplies at uniform sa mga mag-aaral.
Ayon kay Binay, isa ito sa mga pinag-iisipan subalit wala pa siyang desisyon kaugnay nito dahil mahirap itong pagdesisyunan.
"I have yet to cross that bridge. That is an option, pero hindi pa po ako nakakapagdesisyon dahil magiging mabigat at mahirap na task ang tumakbo sa Taguig dahil unang-una hindi po ako pamilyar sa lugar. Although marami po tayong magandang maibibigay at magagawa para sa lungsod na yun. Pero kailangan pong magmuni-muni ng mabuti, sabi ng asawa't anak ko, because it will be a difficult decision to make," ang pahayag ni Binay.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Commision on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na maaaring tumakbo si Binay sa ibang siyudad kung nanaisin nito.
"Kung tatakbo siya sa ibang siyudad, puwede niyang gawin basta magkaroon siya ng residency at maging registered voter ng siyudad na yan. Kung siya ay incumbent mayor ng isang siyudad at gusto nang tumakbo sa kabilang siyudad, kinakailangang magresign siya bilang mayor ng siyudad na yun para magkaroon siya ng one year residency doon sa syudad na yun," ang paliwanag ni Garcia.
Namahagi si Binay ng mga school supplies at uniporme para sa mga eskwelahan sa sampung EMBO (Enlisted Men's Barrios) barangays makaraang payagan ang Makati City ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte, sa pamamagitan ng liham ni DepEd Undersecretary Michael Poa.
Pinayagan din ang Makati na gamitin ang mga pasilidad ng 14 na eskwelahan sa EMBO barangays na ngayon ay nasa hurisdiksyon na ng Taguig.
(Photos by Makati PIO and Comelec)
Tatakbo ba si Makati Mayor Abby Binay sa Taguig? | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: