Tatlong Taguigenong sentenaryo ang binigyan ng tig-iisandaang libong pisong cash gift ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig kamakailan kung saan mismong si Taguig City Mayor Lani Cayetano ang nag-abot ng kanilang tseke.
Sa pamamagitan ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ng Taguig, nabigyan ng P100, 000 na cash gift sina Remedios Yuson ng Barangay North Signal, Amadeo Paalan Timbancayan ng Barangay East Rembo at Teofila Carambas ng Barangay Pembo.
Patuloy na makakatanggap ang tatlo at iba pang mga sentenaryong Taguigeno ng P100, 000 cash gift mula sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa mga susunod nilang kaarawan, habang sila ay nabubuhay.
Samantala, ang iba pang senior citizens ng Taguig ay nakakatanggap naman ng P3, 000 hanggang P10, 000 na birthday cash gift depende sa kanilang age bracket, sa ilalim ng City Ordinance No. 25 series of 2017.
Mayroon ding libreng gamot sa mga sakit tulad ng diabetes, high blood at asthma; libreng nursing services sa kanilang tirahan; libreng wheelchairs, canes at hearing aids para sa mga senior citizens ng Taguig.
Ang pambansang pamahalaan ng Pilipinas naman ay nagbibigay rin ng P100, 000 sa mga senior citizens na walang buwis na babayaran, pagtungtong nila ng edad 100, sa bisa ng Republic Act 10868 o ang Centenarian Act of 2016. Ibinibigay ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang mga binibigyan ng insentibong ito ay ang mga natural na ipinanganak na Pilipino, kahit na dual citizen na ang mga ito at sa ibang bansa nakatira.
Mayroon ding insentibong P10, 000 na cash ang mga nasa edad na 80, 85, 90 at 95 batay sa naturan ding batas na inamiyendahan noong Pebrero 2023.
(Photos by Taguig City Government)
Tatlong Taguigeñong Sentenaryo, Nakatanggap ng Tig-P100, 000 Birthday Cash Gift Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig; Makakatanggap din nito mula sa Pambansang Pamahalaan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: