Dalawang kalalakihang kumidnap sa isang 19 na taong gulang na Chinese national at humingi ng ransom money sa ama nito ang naaresto ng pinagsamang puwersa ng Taguig City Police at Philippine National Police Anti-Kidnapping Group sa Barangay Santa Ana, Taguig City kahapon, Hunyo 18, 2024, ng alas 6:30 ng umaga.

News Image #1


Arestado sa kanilang pinagtataguan sa Masipag Street, Pulong Kendi, Barangay Santa Ana, Taguig City ang mga suspek na sina Erwin Angeles at Richard Mendoza, kasabay ng pagkakakumpiska sa isang .38 kalibre ng baril na may kargang limang bala

Napag-alaman na ang Chinese national na si Honsen Liu, 19 taong gulang, ay may nakilala online na naging chat mate nito na ang palayaw ay "Izzy." Nagkita sila sa isang restaurant sa Barangay Tuktukan at saka ito dinala ni "Izzy" sa apartment nito sa Barangay Santa Ana

Gayunman, ang naghihintay pala rito ay ang dalawang lalaking suspek.

Binugbog at agad na piniringan at itinali ng mga suspek ang teen-ager na Chinese national. Nagpadala ng mensahe ang mga ito sa messaging app na WeChat sa ama ng biktima at nanghingi ng ransom money na P5 milyon para sa kalayaan ng biktima.

Nagkasundo ang magkabilang panig sa halagang P1.1 milyon. Inutusan ng mga suspek ang ama ng biktima na dahil ang ransom money sa isang mall sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Makaraang makuha ang ransom money, ibinaba ng mga suspek ang Chinese national na teen-ager sa isang lugar sa Angono, Rizal bukod sa ibinalik din ang mobile phone nito.

Nakauwi ang biktima sa kanyang bahay sa Maynila at humingi ng tulong sa Manila Police District na idinulog naman ng mga ito sa Taguig City Police.

Nagplano ng operasyon ang Taguig City Police at PNP Anti-Kidnapping Group kung saan naaresto nila ang mga suspek.

Kasalukuyang nakabilanggo sa Taguig City Police Station ang mga suspek na sina Angeles at Mendoza habang inihahanda ang kasong kidnapping for ransom.

(Larawan mula sa Taguig City Police Station Facebook Page)