May trabahong naghihintay para sa mga Taguigeñong estudyante, mga kabataang hindi nag-aaral at ang mga anak o dependent ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho sa pamamagitan ng programang Special Program for Employment of Students (SPES).

Makakatanggap ng allowance na P610.00 kada araw ang mga matatanggap sa SPES program batay sa naunang naaprubahang minimum wage sa National Capital Region noong 2023. Dalawampung araw na makakapagtrabaho ang tatanggapin sa SPES program.

Ang programang ito na magkatuwang na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig at Department of Labor and Employment ay bukas para sa mga kabataang edad 15 hanggang 30, upang matulungan na maging produktibo ang kanilang libreng panahon at makadagdag din sa pantustos sa kanilang pag-aaral.

Ang panahon ng aplikasyon para sa SPES ay mula Hulyo 4 hanggang 9, 2024. Nasa art card ang itinakdakang araw ng aplikasyon sa Taguig PESO, batay sa iskedyul para sa bawat barangay:

News Image #1

(Art card ng Taguig PESO)

Ang mga kwalipikado ay maaaring mag-apply at magsumite ng mga requirements sa itinakdang araw ng barangay ng mga ito sa Taguig Public Employment and Services Office na matatagpuan sa 3rd floor, PESO Taguig, Ballecer St., Barangay Central Signal.

Bukod sa edad ng aplikante, kailangang ang taunang kita ng mga magulang, kasama ng kanilang kinikita kung mayroon man, ay hindi lalampas sa annual poverty threshold na P144, 360 (taunang kabuuang kita).

Kung nag-aaral ang mag-a-apply, kailangang wala itong bagsak na marka noong nakaraan at kasalukuyang semestre.

Kabilang sa mga isusumite sa Taguig PESO ay ang mga sumusunod:
1. Birth Certificate
2. Alinman sa sumusunod:
* Income Tax Return
* Certificate of Tax Exemption
* Certificate of Indigency / Certificate of Low Income mula sa barangay o City Social Welfare and
Development Office
3. Para sa estudyante, Class Card o Form 138 ng estudyante
4. Para sa estudyante, orihinal na kopya ng sertipikasyon mula sa School Registrar na nagpapatunay na nakapasa sa nakaraang semestre / taon kung hindi pa nailalabas ang mga grado sa kasalukuyang semestre.
5. Kung Out-of-School Youth naman, kailangan ang orihinal na kopya ng sertipikasyon bilang OSY na makukuha sa City Social Welfare and Development Office o mga otorisadong opisyal ng barangay kung saan ito nakatira kasama ang mga naunang binanggit na mga dokumentong kinakailangan.

Ang unang batch ng mga matatanggap sa SPES ay magsisimula na sa trabaho ngayong Hulyo 2024.

Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, tumawag sa 8398-5411 o mag-email sa [email protected]