Itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na winalang bahala nila ang pagsasara ng mga day care centers sa EMBO (enlisted men's barrio) barangays bago pa dumating ang panahon ng sinasabi ng Makati na abisong ipinaabot nila sa pagsasara ng mga ito.

News Image #1

(Larawan mula sa Philippine News Agency)

Sinabi ng Taguig na hindi totoong nakatanggap sila ng abiso at matagal na nilang hiniling na pag-usapan ang transisyon para sa day care centers subalit hindi sila nakakatanggap ng kasagutan sa Makati.

"Ang totoo, noong Nobyembre 2023 pa lamang, ang City Social Welfare Development Office (CSWDO) ng Taguig ay humingi na ng pulong sa kanilang mga katambal sa opisyal ng Makati para pag-usapan ang transition na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ngunit laging iniiwasan ng CSWDO ng Makati ang hiling na pulong, at idinadahilan na kinakailangan munang maglabas ng writ of execution ang mga korte. Nagpadala pa ng sulat ang CSWDO ng Taguig sa DSWD-NCR upang humingi ng tulong para magkaroon ng pulong. Ngunit dahil ayaw makipag-ugnayan ng Makati, hindi naganap ang nasabing pulong. Ang resulta: biglang isinara ang mga day care centers," ang nakasaad sa inilabas na opisyal na pahayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

News Image #2

News Image #3


Naniniwala ang Taguig na sinasabotahe ng Makati ang transisyon dahil hanggang ngayon ay hindi nito matanggap ang kanilang pagkatalo sa kaso kaugnay ng hurisdiksyon sa EMBO barangays na dinesisyunan ng Korte Suprema pabor sa Taguig noong isang taon.

"Ang mga pangangailangan ng mga residente sa EMBO sa kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyong pampubliko ay puspusang tinutugunan nang may pagmamalasakit. Ang mga residente ng EMBO ay nagagalak na tinatanggap at nararanasan nila ang positibong pagbabago," ang pagtatapos na pahayag ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

News Image #4

News Image #5


(Mga larawan mula sa Taguig PIO)