Tuloy ang welga ng mga namamasada ng pampublikong jeepney na nasa ilalim ng grupong PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide at MANIBELA ngayong Lunes, Setyembre 23, hanggang Martes, Setyembre 24, 2024 bilang protesta sa pagpapatuloy ng Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.
(Larawan mula sa PISTON)
"Muli nating ititirik ang ating mga strike center at sama-samang kikilos para sa pagbabalik ng limang taong prangkisa at pagbabasura sa negosyo at makadayuhang programang modernisasyon. Ang ating pagtindig laban sa programang modernisasyon ng gobyerno na hindi naman nagsisilbi sa interes at pangangailangan ng ating mga tsuper at operator, ay siyang nagbubunga ng paunti-unti nating mga tagumpay," ang pahayag ni Mody Floranda, presidente ng PISTON sa isang post nito sa Facebook.
Inilatag nila ang mga lugar sa Metro Manila na pagsisimulan ng kanilang tigil-pasada at paglalabas ng kanilang saloobin kaugnay ng PTMP.
(Larawan mula sa PISTON)
Nakahanda naman ang pamahalaan sa magiging epekto ng dalawang araw na tigil-pasada ng mga jeepney sa pamamagitan ng pagpapalabas ng "Libreng Sakay" para sa mga mamamayan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang iba't ibang Local Government Units, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang Metro Manila Development Authority ay magpapalabas ng mga sasakyan para sa mga mananakay na maaapektuhan ng transport strike.
(Larawan mula sa PNA)
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na nirerespeto naman nila ang karapatan ng mga drivers t operators na maihayag ang kanilang saloobin batay sa nakasaad sa Saligang Batas subalit nakikiusap silang huwag magsanhi ang mga ito ng problema sa trapiko sa mga pangunahing daanan.
Kabilang sa mga hinihiling ng PISTON at MANIBELA ay ibasura na ng tuluyan ang PTMP, ikansela ang anila ay pinwersang franchise consolidation, i-renew ang franchise at rehistrasyon ng lahat ng public utility vehicle (PUV) operators kasama na ang mga hindi sumali sa konsolidasyon, zero budget sa mga PUV phaseout programs at ilipat na lamang ang pondo sa rehabilitasyon ng mga tradisyonal na jeepney at subisidiya sa mga lokal na industriya, at payagan ang mga pumasok na sa franchise consolidation na iurong ang kanilang pagsali.
Transport Strike ng PISTON at MANIBELA Tuloy Ngayong Setyembre 23 at 24, 2024 | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: